Mga negosyong Pinoy pasok sa New Zealand
Lumalaki na rin ang bilang ng mga migranteng Pilipino sa bansang New Zealand. Sa pagdami nila, umuusbong din ang mga negosyong pinatatakbo ng mga Pinoy na ang target na mga kliyente ay hindi lang mga sarili nilang mga kababayan kundi ang iba ring mga lahi o mga lokal na mamamayan sa kinaroroonan nilang bansa.
Nabatid sa Philippine Embassy, ayon sa Filipino Migrant News, na umaabot na sa mahigit 100,000 ang populasyon ng mga Pilipino sa New Zealand. Dahil dito, nagkakaroon ng oportunidad ang maraming Pinoy na magnegosyo roon. Merong matatagal na at merong baguhan pa lamang. Marami rito, ayon sa Filipino Migrant News, ang nakatanggap na ng mga parangal o pagkilala tulad ng Business Excellence Filipino-Kiwi Hero Awards na iginawad kina Oscar at Mercy Catoto ng Tres Marias Trading, Edith Carpenter ng Planet Earth Travel, Jeths Lacson ng Epiphany Donuts, Lito Banal ng Kiwi Roofing, Marjorie Bennett ng Boracay Garden Restaurant at iba pa.
Kabilang sa baguhang negosyong Pinoy sa New Zealand ang “Piyok Pain for Gain Tattoo” ng 44-anyos na entrepreneur na si John Bacuitis. Kahit meron siyang full-time na trabaho bilang mekaniko ng motorsiklo, nagawa niyang mapaunlad ang negosyo niyang tattoo sa Auckland na isang mataong lungsod sa naturang bansa.
Naikwento ni Bacuitis na noong nasa Pilipinas pa siya, natutuhan niya ang paggawa ng mga tattoo noong nasa hayskul pa siya dahil lahat ng kanyang mga tiyuhin ay mga tattoo artist. Piyok ang madalas itawag sa kanya ng kanyang mga tito at ito ang nagbunsod sa kanya na ipangalan ito sa kanyang negosyo.
Nabatid na unang nagtrabaho si Bacuitis sa Dubai, United Arab Emirates bago siya dumayo sa New Zealand noong 2018.
Ang kanyang bahay sa Auckland ang ginawa niyang tattoo parlor. Hindi anya sideline lang para sa kanya ang tattooing. “It’s also a labour of love. I love doing tattoos; it’s my passion,” sabi niya sa isang ulat ng Filipino Migrant News. Inaamin niya na maraming hamon sa pagnenegosyo ng tattoo. May mga araw na maraming customer at may araw na walang kliyente. Idiniin din niya na ang mga tattoo artist ay dapat certified, registered at mahalaga ang pagiging malinis at tamang pagsasanay.
Pangunahin niyang iniaalok ang kanyang serbisyo sa mga kapwa niya Pilipino sa Auckland sa pamamagitan ng social media. “Meron akong Facebook page. Anuman ay nagagawa ko, mula cartoon character hanggang intricate designs,” sabi niya sa Ingles.
Isang kainan naman sa loob ng isang pamantasan sa Central Business District ng Auckland ang bagong negosyo ni Chef Freddie Jr. Casinas na nagmula sa Dolores, Quezon. Nakikilala sa hanay ng mga estudyante ang kanyang kainang tinatawag na Ma’n Hu Kitchen na nasa loob ng AUT (Auckland University of Technology).
Bago dumayo sa New Zealand, nagtrabaho muna si Chef Freddie sa Dubai sa loob ng 15 taon bilang international chef na naghasa sa kanya sa pagluluto ng iba’t ibang klase ng pagkain. Nagsimula siya rito bilang dishwasher bago na-promote bi-lang head chef. Lumipat siya sa Mission Bay sa New Zealand noong 2019 bago nagtrabaho sa isang airline catering company hanggang sa makuha at mapamahalaan niya ang Ma’n Hu Kitchen mula sa dati nitong may-ari na isa ring Pilipino. Nag-aalok sila rito ng mga pagkaing Pinoy bukod sa mga lokal na pagkain.
Isa sa mga hamon na kinaharap ni Chef Freddie ang komptensiya laban sa ibang mga kainan na matatagal nang nagnenegosto sa AUT Campus. “Dalawang stall sa tabi namin ang walo at 12 taon na rito. Kaya naging mahirap hikayatin ang mga tapat nilang kustomer,” sabi niya sa Ingles sa FMN.
Pero nagpursige si Chef Freddie. “Mahirap sa simula dahil sa kompetisyon pero, pagkaraan ng isang buwan, trumiple ang kita namin at nagsimula nang subukan ng mga tao ang Ma’nHu Kitchen,” pahayag pa niya. “Kung masarap ang pagkain, babalik sila. Kaya napakaliit lang ng benta namin sa unang ilang linggo dahil hindi pa nila kilala ang negosyo at pagkain namin. Ito ang hamon sa isang bagong negosyo.”
Nasa larangan naman ng landscaping ang negosyo ni Saturnino Requiroso na nagdala rito ng mayaman niyang karanasan sa industriyang ito. Naging matagal niyang trabaho ito noon sa Pilipinas (anim na taon), sa Dubai at sa Saudi Arabia bago siya dumayo sa New Zealand.
Naging bentahe sa kanya ang malapit niyang kuneksyon at ugnayan sa mga kapwa niya Pilipino sa New Zealand. “Karamihan sa mga natulungan ko ay mga bahay ng mga Pilipino na merong nurses dahil wala silang oras na mamutol ng damuhan at walang oras na magdilig. Bumibili na lang sila ng artificial grass para sa kani-lang lawns,” paliwanag niya sa Ingles.
Nakatulong ang koneksyon ni Saturnino sa kanyang mga kababayan para mapangibabawan niya ang matinding kompetensiya sa landscaping market sa New Zealand. “Napakahirap dahil maraming kalaban. Maraming landscaping companies dito. Maliit lang ako at nagsisimula pa lang ako,” wika niya. Pero nagtitiyaga siya at umaasa sa mga pagbabalitaan ng mga tao, social media at suporta ng kapwa niya mga Pinoy para bumenta ang kanyang negosyo.
* * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest