^

PSN Opinyon

‘Great Helper’: Pinay maid sa Hong Kong

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Habang isinusulat ito, takda nang umuwi sa Pilipinas ang overseas Filipino worker na si Judea Danglas sa Pilipinas nitong buwang ito ng Nobyembre pagkaraan ng apat na taong pagtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong.

Pero, bago tuluyang umuwi, merong kakaibang pabaon sa kanya ang kanyang amo. Hindi niya iyon inasahan. Noong Nobyembre 11, inimbitahan siya ng kanyang mga amo na samahan silang mananghalian sa isang mamahaling restawran sa Hopewell  Center sa Wanchai sa Hong Kong. Inakala niyang ordinaryong simpleng kainan lang iyon na tulad ng nagdaang mga taon tuwing isinasama siya ng kanyang mga amo kapag kakain ang pamilya ng mga ito sa labas.

Nang nasa restawran na sila, nagulat siya sa kakaiba at espesyal na regalong ibinigay sa kanya ng kanyang mga amo. Isa iyong gintong tropeo na kinauukitan ng kanyang pangalan  at parangal na mga salitang “Great Helper Award.” Naiyak siya sa sobrang katuwaan.

Ilang oras pagkaraang matanggap niya ang naturang ‘parangal’, pinangingibabawan pa rin ng pagkabigla si Judea o Judy sa natanggap niyang sorpresa.

“Speechless ako kanina. Friend ko man ang amo kong babae pero wala akong masabi bigla. Paulit-ulit lang akong nagpasalamat sa kanila, sabay iyak. Sabi ni amo kong babae, no need to cry,’’ sabi ni Judy sa The Sun Hong Kong na nagtampok sa kanyang karanasan.

Hindi matapos-tapos ang kanyang kasiyahan. Sinorpresa pa rin siya ng kanyang amo kahit hindi na niya pina-‘renew’ ang kontrata niya sa trabaho rito. Nais na rin kasi ni Judy na tuluyang bumalik sa Pilipinas at bumuo ng sarili niyang pamilya. Nakakita na rin siya ng papalit sa kanya na nagustuhan naman ng kanyang amo. Magsisimulang magtrabaho rito ang kanyang kapalit sa Nobyembre 26 o 10 araw bago siya umalis sa Hong Kong.

Ayon kay Judy, masayang-masaya siya at wala na siyang ibang mahihiling pa.  Napakagalante anya ng kanyang amo, higit pa sa minimum na sahod ang ibinibigay sa kanyang pera at, tuwing ire-‘renew’ noon ang kanyang kontrata,  binibigyan siya nito ng ekstrang isang buwang sahod. Lumaki rin sa kanya ang inalagaan niyang anak nito mula nang isilang ito hanggang halos mag-aapat na taong gulang na ito. Nakatagpo siya sa kanyang mga amo ng isang pamilyang maasikaso sa kanya tulad ng pag-aasikaso niya sa kanila.

Masasabing ang “parangal” na natanggap ni Judy ay nangangahulugan na nagustuhan ng kanyang amo ang pagsisilbi niya sa mga ito. Magkasundo sila. Katulad siya ng ibang mga domestic helper na Pilipina sa Hong Kong at iba pang mga bansa tulad sa Gitnang Silangan na nagugustuhang kunin ng mga dayuhang employer na hindi naman nagpabaya sa kanilang kagalingan. Marami rin namang mga domestic worker na Filipino na nakatanggap ng mga kakaibang biyaya sa kanilang mga amo.

Isang halimbawa ang 34 anyos na si Maila Jean Tampipi ng Misamis Oriental na, nang matapos ang kontrata niya sa trabaho bilang domestic helper sa Hong Kong noong Hulyo 2022, pinabaunan siya ng kanyang amo ng $300,000 na sa pera ng Pilipinas ay umaabot sa P2 milyon bago siya tuluyang bumalik sa Pilipinas.  Bukod pa ito sa iba pang mga biyayang natanggap niya mula sa mayamang pamilyang pinaglingkuran niya sa Hong Kong mula noong 2014. Binigyan din siya ng mga ito ng housing loan noon na walang interes kaya nakapagpagawa siya ng dalawang bahay na ang isa ay para sa kanyang pamilya habang ang pangalawa ay para sa kanyang mga magulang habang nagtatrabaho siya.

Isa namang 45-anyos na domestic helper na si Dina Tenerife Celo sa United Arab Emirates ang binigyan ng kanyang amo ng halagang Dh23,000 (320,000 pesos) noong Oktubre 2017 para ipambili niya ng lote sa kanyang bayan sa Camarines Sur sa Pilipinas. Inako rin ng amo niya ang pagpapatayo niya ng bahay sa mabibili niyang lote.

Sa panayam ng isang pahayagang lokal sa UAE, sinabi ni Celo, “Mangiyak-ngiyak ako sa sobrang tuwa… ‘Di ko yun inaasahan. Randomly, inabot na lang ni Ma’am Missa (kanyang amo) ‘yung pera sa akin. Sabi n’ya alam daw nilang wala akong naipon man lang dahil tumutulong din ako sa pamilya ko.” Lubos ang pasasalamat niya sa kabutihang loob ng kanyang amo.

Para naman  kay Mhai San Pedro, isang 31 anyos na domestic helper na Pilipina sa Saudi Arabia, biyayang maituturing na nagkaroon siya ng among dayuhan na trinato siyang kapamilya.   Ito ay dahil tinulungan siya ng kanyang amo na makapagpatayo ng sarili niyang bahay sa Pulilan, Bulacan at maipagamot ang kanyang bunsong anak na may sakit. Kaya malaki ang pasasalamat niya sa kanyang amo na para sa kanya ay buhay na halimbawa na mababait na employer ang mga Arabo. Napaulat noong 2018 na, ayon kay San Pedro,  walong buwan pa lang siya sa kanyang amo pero naging mabait at galante ito sa kanya. Niregaluhan siya nito ng mga mamahaling bagay na libu-libo ang halaga at kabilang dito iyong mga signature item na Burberry, Michael Kors, Tory Burch, and Gucci.   Binibigyan din siya ng kanyang amo ng pera para sa pagpapagamot sa kanyang anak at paminsan-minsan ay inaabutan siya ng 1,500 hanggang 2,500 Saudi Riyal (PHP 21,000 – 35,000) para sa pagpapagawa ng kanyang bahay. Bilang ganti sa kabutihang loob ng kanyang amo, sinipagan niya ang trabaho at nagpakabuti siya sa mga ito. Napakalaki ng pasasalamat niya rito.

__________

 

Email – [email protected]

vuukle comment

OFW

WORKER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with