^

PSN Opinyon

Laban kontra-kanser, laban ng komunidad (Part 2)

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Laban kontra-kanser, laban ng komunidad (Part 2)
Ang pink ribbon ay simbolo ng breast cancer awareness.
Image by Marijana from Pixabay

Mabigat na kalaban ang kanser. Hindi na mabilang ang mga taong tinatamaan nito sa buong mundo, kabilang na ang Pilipinas. Sa aking nakaraang column, binigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagsusulong ng paggaling mula sa kanser o “cancer survivorship,” lalo na sa bansa na nakararanas ng nakagugulat na 27,000 na bagong kaso kada taon.

Ang mga talakayan tungkol sa kanser ay nagsisilbing unang hakbang sa pagtugon sa mataas na bilang ng mga na-diagnose na cancer na nasa advanced stage na.

Bahagi ng adbokasiya ng cancer warriors ang alisin ang stigma na death sentence na ang kanser, at impluwensyahan ang mga gumagawa ng patakaran, mga ahensya, at institusyon na palakasin pa ang cancer care sa bansa.

Para patuloy na magsagawa ng mga programa para sa laban sa kanser, nakipag-partner ang Philippine Cancer Society (PCC) at ICanServe Foundation sa Swiss Chamber of Philippines at sa Novartis Healthcare Philippines sa ilang roundtable discussions kasama ang health advocates at experts.

Isang malaking hamon na kinahaharap ng cancer care sa Pilipinas ay ang kawalan ng nationwide breast cancer screening program.

Upang labanan ito, nakipag-partner ang Novartis Healthcare Philippines Inc., sa pakikipagtulungan ng Philippine Cancer Society (PCC) at ICanServe Foundation, sa Swiss Chamber of Philippines upang magsagawa ng five-part Roundtable Discussion (RTD) series. Layunin nitong itaas ang kamalayan tungkol sa breast cancer, lalo na para sa mga pasyente at kanilang mga pamilya.

Sa kabuuan ng mga RTD, binigyang-diin ng mga panelist ang kahalagahan ng maagang pagsusuri at agarang paggamot, at pagtaguyod ng mga collaborative partnership upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasyenteng may breast cancer.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Corazon Ngelangel, Presidente ng Philippine Cancer Society, ang mga pagbabagong epekto ng diagnosis, paggamot, at prognosis sa pang-araw-araw na buhay ng isang pasyente.  Hindi madali ang tinatahak ng isang may kanser, kabilang na ang mga personal na pagbabago sa pisikal, emosyonal at pinansyal na aspeto ng buhay ng pasyente, pagbuo ng tiwala sa kanyang mga doktor, ang kawalan ng katiyakan sa pang-araw-araw, at ang pagbuo ng support network.

Marami pang kailangang ayusin sa cancer care sa bansa. Pero nang ako ay naging moderator at narinig ko ang mga eksperto at mga lider ng health institutions, providers, at mga ahensiya, nagkaroon ako ng pag-asa habang ibinibahagi nila ang kanilang mga ideya, mungkahi, at mga plano para sa health sector.

Maliban sa pagkakaroon ng healthcare assistance, iginiit din ng mga eksperto ang kahalagahan ng early cancer detection. Kinakailangang magkaroon ng early screening tests at konsultasyon sa mga doktor para mas maging epektibo ang cancer healthcare system.


Inilatag ni Dr. Eugene Ramos, pangulo at CEO ng Medical City, ang mahalagang papel ng mga executive ng healthcare institution sa cancer patient survivorship. Kasama sa kanilang mga responsibilidad ang pag-unawa sa mas malaking larawan ng cancer care, pagtiyak ng maagang pagsusuri at tamang paggamot, pagbibigay ng access sa value-based cancer care, pagpapalakas sa partnership sa research institutions, at pag-aalaga sa mga susunod na henerasyon ng healthcare professionals.

Samantala, kinilala ni Dr. Alfonso Nuñez III, Medical Center Chief ng East Avenue Medical Center at kinatawan ni DOH Secretary Dr. Ted Herbosa, ang matinding isyu ng malawakang epekto ng cancer sa buong mundo at sa Pilipinas.  Bilang Interim Executive Director ng Philippine Cancer Center, ibinahagi niya ang iba't ibang support mechanisms para sa mga may cancer, kabilang ang Healthcare Provider Network (HCPN) at ang Cancer and Supportive-Palliative Medicine Access Program (CSPMAP).   Available na ang financial support services dito para sa mga may cancer at mga survivor sa pamamagitan ng PhilHealth, DOH Malasakit Program, at iba pang ahensya ng gobyerno.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Gerardo Legazpi, Direktor ng Philippine General Hospital (PGH), ang "Alagang Bestfriend Program" ng ospital.  Kasama sa inisyatibong ito ang isang mobile van na nilagyan ng mga digital mammogram/ultrasound facility at isang medical oncologist at surgeon na maaaring magsagawa ng mga biopsy kung kinakailangan. Sa programang ito, napagtuunan ng pansin ang mga kailangang tulong na hinahanap ng mga pasyente.  Dahil sa “Alagang Bestfriend,” umabot sa 6% ang pick-up rate ng mga kaso ng breast cancer sa komunidad.  Tulad ng isang tunay na best friend sa lahat ng mga pasyente, nagpatupad din ang PGH ng isang one-stop shop approach para sa diagnosis.

Ipinagmalaki rin ni Dr. Legazpi na aktibo silang kumikilos para maitatag ang isang center para sa clinical genomics at precision medicine.

Nagsidalo ang mga benepisyaryo ng 4Ps mula sa Ating Dibdibin Program Muntinlupa City sa October Breast Cancer Forum bilang parte ng kampanya sa cancer health awareness
ICanServe Foundation

Importanteng kilalanin at palakpakan ang mga organisasyon, ahensiya, at indibidwal na talagang nakatuon sa pagpapabuti ng healthcare system para sa cancer patients. Kapuri-puri rin ang inisyatiba ng organizers ng ganitong mga forum kung saan nagkakaroon ng pagkakataong magtulungan, mag-usap at maging mag-partner ang iba’t ibang grupo para mas lumakas ang ating cancer care at ang pangkalahatang health system sa bansa. Tiniyak naman ni Kent Marjun Primor (Director of Operations, Swiss Chamber of Commerce of the Philippines) na masusundan pa ng iba pang mga proyekto ang RTD.

(L-R) Dr. Manuel Roxas (Medical Director, AC Health), Vincent Sumergido (Cancer Control Division, Dept. of Health), Kara Magsanoc-Alikpala (Founder, ICanServe Foundation), Kent Marjun Primor (Director of Operations, Swiss Chamber of Commerce of the Philippines, Dr. Corazon Ngelangel (President, Phil. Cancer Society), ako at Christine Fajardo (Novartis’ Communications & Engagement Head)

Sama-sama tayong manindigan sa pagtataguyod ng mas mabisang cancer care sa Pilipinas. Suportahan natin ang call to action ng ICanServe Foundation at ng Cancer Coalition of the Philippines para makamit ang mga target na itinakda ng Global Breast Cancer Initiative ng World Health Organization (WHO), kabilang ang diagnosis ng hindi bababa sa 60% na kaso ng breast cancer sa pagitan ng stage I at II, kumpletong pagsusuri sa loob ng 60 araw, at maipasailalim ang 80% ng mga pasyente sa gamutan at makauwi sa kanilang tahanan.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at matibay na suporta, makakagawa tayo ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng cancer survivors at sa mga haharap pa sa napakaraming hamon ng labang ito. 

___

 

Sundan ang aking social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter at Kumu.  Ibahagi ang inyong mga mungkahi at reaksyon sa [email protected]. Panoorin ang Pamilya Talk sa  FacebookYouTubeKumu, at Jeepney TV (sa SkyCable Channel 9, GSat Direct TV Channel 55, at Cignal Channel 44, tuwing Sabado 5 p.m.).

vuukle comment

BREAST CANCER

BREAST CANCER ADVOCACY

CANCER

DEPARTMENT OF HEALTH

WORLD HEALTH ORGANIZATION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with