Importante ang bigas sa ating mga Pinoy
ANG hindi ko maintindihan ay kung bakit ipinagyayabang pa ang pagbaha kuno ng bigas sa bansa sa mga susunod na araw. Ako’y nalungkot para sa ating mga magsasaka dahil sa naging desisyon ng gobyerno na kahit sinong indibidwal ay puwede nang mag-import ng bigas. Pagdurusa ang aanihin ng ating mga magsasaka. Lalong uunlad ang mga magsasaka ng Thailand at Vietnam dahil ang mga bansang ito ang pangunahing pinagkukunan natin ng bigas. Bakit natin kailangang mag-import ng bigas ngayong panahon ng anihan? Oo maiintindihan siguro natin kung buwan ng Hulyo, Agosto at Setyembre dahil panahon pa lang ‘yan ng pamumulaklak ng mga palay.
Tayo ay tinaguriang agricultural country ng Asia kaya kung tutuusin hindi sana tayo dumaranas ng shortage sa bigas. Kung maayos ba naman ang patubig sa buong bansa at tinutulungan ng gobyerno ang mga magsasaka upang maging masagana ang kanilang ani hindi sana tayo dumaranas nang ganito. Dapat sana tangkilikin ang sariling atin. Paano na ‘yung mga magsasaka na nagpapaaral ng anak? Saan sila kukuha nang pangtustos sa pagpapaaral? Siyempre sa ginawa ng gobyerno ay magiging mura na ang palay samantalang ang insecticide at fertilizer ay patuloy ang pagtaas.
Hindi pa rin naaalis ang graft and corruption sa bansa sa kabila ng marami nang napatalsik dahil dito. Yan ang numero unong problema kaya lugmok tayo sa kahirapan. Usong-uso pa rin ang “lagayan” sa gobyerno. Dapat tanggalin din ang excessive tax dahil ang mga mahihirap ang nadidikdik dito. Sa patuloy na pagtaas ng bilihin, dito man lang sana tayo bumawi sa bigas na gawin sanang mura.
Isantabi muna ang pulitika asikasuhin ang kumakalam na sikmura.
- Latest