^

PSN Opinyon

‘Isang supot ng kusot ang nadala’

POSTSCRIPT - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

KAHIT ANO SINUSUBUKAN natin para sa ating pangarap pero kapag buhay at kalusugan na ang nakataya ikaw na mismo ang aatras at susuko.

Sa dami ng mga balitang minaltrato, napagsamantalahan at nadehado na mga kababayan natin sa ibang bansa ay marami pa din ang sumusubok at nakikipagsapalaran.

Isa na dito ang ina ni Benjamin ‘Benj’ Perez na si Ma. Theresa Perez na nagtrabaho sa Riyadh.

Sa isang video na sinend sa amin ni Benj ay humihingi ng tulong ang kanyang ina na mapauwi ng bansa.

Wala pa daw itong natatanggap na sahod sa loob ng dalawang buwang pagtatrabaho sa amo. Hiling niya maipaalam sa ahensya ang hinaing niya nang mapaalis siya sa amo at makauwi na lang ng Pilipinas.

Nung nasa Pilipinas pa lang siya sa One World Agency siya lumapit para makahanap ng mapagtatrabahuan sa ibang bansa.

Napunta siya sa employer na si Ali Mohammed Al Qahtani. Ginipit daw siya doon at  lahat ng mga papeles niya ay kinuha.

“Yung mga nakasulat sa kontratang pinirmahan niya ay hindi nasunod. Ang trabaho niya ay taliwas sa nakalagay sa kontrata,” sabi ni Benj.

Idinulog nila sa ahensiya ang problema ngunit puro pangako lang daw at pambobola ang isinasagot sa kanila.

May ibinalita pa daw ito na maghihintay na lang sila ng isang linggo ay makakauwi na si Theresa.

“Nagdaan ang ilang linggo pero wala kaming balita. Nang makausap ng tatay ko ang taga agency sinabi nila sa amin na wala na sa kanyang amo ang nanay ko,” salaysay ni Benj.

Nasa pangangalaga na daw si Theresa ng counterpart agency niya sa Riyadh na Ian Recruitment at wala na sa kanyang employer.

Naniwala sina Benj sa sinabi nila dahil ang ahensya ang may direktang kontak sa ahensya ng ina sa ibang bansa. Dagdag pa nito tiket na lang ang kailangan hintayin at makakauwi na si Theresa.

Bihira nilang makausap si Theresa dahil wala itong magamit na cellphone dun at kinakailangan pang magpaalam sa amo.

Ika-19 ng Disyembre 2016 nang makapagpaalam si Theresa na magcha-chat sa kanyang pamilya.

“Dun na namin nalaman na hindi pala totoo na uuwi na siya. Iba ang sinabi sa amin ng ahensya at iba din ang nangyayari sa kanya dun,” ayon kay Benj.

Kaya lamang daw sumugal si Theresa dun ay para matustusan ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid.

Hindi nila naisip na magiging delubyo ang karanasan nito. Nahihirapan na din daw ito sa lamig sa Riyadh.

Pagod na sa trabaho si Theresa wala pang sahod na natatanggap. Bente oras ang kanyang trabaho na hindi naman yun ang nakasulat sa pinirmahan niyang kontrata.

“Pinagpapasa-pasahan din siya sa bahay ng kapatid ng amo niya. Hindi rin siya binibigyan ng sapat na pagkain. Tinapay lang ang kinakain niya sa maghapon at tubig,” kwento ni Benj.

Sa mga nararanasang ito ni Theresa naisipan niya nang tumakas pero wala siyang pera papunta ng embahada o saan mang lugar na makakahingi ng tulong kaya hindi niya ito nagawa.

Isa din sa reklamo niya ay kinakandado ng employer niya ang pinto kaya hindi siya makalabas. Bihira din ang cellphone kaya’t di siya makatawag sa kanyang pamilya dahil mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit dun.

“Yung ahensya niya wala talagang ginagawa. Ang sabi sa amin inaasikaso raw nila. Yung nanay ko nanlalabo na ang mata at laging masakit ang katawan dahil bugbog na sa trabaho,” pahayag ni Benj.

Sa video na isinend ni Theresa sa kanyang anak ay kitang-kita ang panlalalim ng mata nito. Pumayat na din daw ito doon.

Iniisip nila na kung ganito na ang kinahinatnan ng kanyang ina sa dalawang buwang pamamalagi sa kanyang employer ano pa ang mangyayari dito kapag tumagal pa si Theresa dun.

“Wala ng sigla sa mukha ng nanay ko. Sana matulungan niyo kami na mapauwi na lamang siya,” ayon kay Benj.

Upang matugunan ang kahilingan ni Benj na mapauwi ang kanyang ina nakipag-ugnayan kami kay dating DFA Undersecretary Rafael Seguis.

Ibinigay namin sa kanya ang lahat ng impormasyong kinakailangan. Nakarating ang aming kahilingan kay Consul General Iric Arribas ng Riyadh.

Hiniling namin na matulungan itong si Theresa na makauwi na lang ng Pilipinas dahil hindi na niya kaya ang trabaho dun sa Riyadh at  wala naman siyang sahod na natatanggap.

Ika-4 ng Enero 2016 nang makauwi si Theresa ng bansa.

Ayon sa kanyang anak na si Benj ay humingi ng tawad ang amo nitong babae.

May tumawag daw kasi sa kanila na mula sa embahada at nalaman ang kahilingan at reklamo ni Theresa.

Mabait naman daw ang amo nitong lalaki at ito ang tumulong sa kanya para makauwi siya ng bansa.

Payat na payat daw ito nang umuwi ngunit ngayon ay unti-unti na itong nakakabawi at naibabalik na ang dating katawan.

Sahod ni Theresa ang ipinangbili niya ng tiket dahil kung hihintayin pa daw ang ahensya ay baka abutin pa siya ng ilang buwan doon.

Wala daw itinulong ang kanyang ahensya kahit piso para makabalik ng bansa si Theresa.

“Maraming salamat po sa tulong ninyo at nakauwi na ng bansa ang nanay ko. Marami pong salamat,” ayon kay Benj.

Naging mabilis ang pag-uwi ng bansa ni Theresa dahil nakipagtulungan sa kanya ang kanyang employer. Sa bansa tulad ng Riyadh ay hindi ka makakaalis dun kapag hindi ka binigyan ng exit visa ng amo mo.

Nais naming magpasalamat kay former Usec. Rafael Seguis at ganun din sa embahada at Consul General Iric Arribas sa tulong nila sa inilapit namin sa kanila.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854 Tel. No.: 7103618

vuukle comment

BENJAMIN ‘BENJ’ PEREZ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with