^

Muli Siyang binuhay ng Diyos!

GLORIFY THY NAME - Fr. Edd B. Lleva (Pilipino Star Ngayon) - April 4, 2015 - 10:00am

“ARAW ngayon ng Maykapal, magalak tayo’t magdiwang” --Salmo 117.

Ngayon ang tunay na Pasko sa ating mga Kristiyano. Si Hesus ay nagkatawang-tao, nangaral, nagpagaling sa mga maysakit, nagpatawad, nagbigay ng buhay, nagpakasakit, inialay ang sariling buhay upang paglabanan ang kasamaan, namatay sa Krus at Muling Nabuhay. Resurexit, sicut dixit!

“Saksi kami sa lahat ng ginawa Niya sa lupain ng mga Judio at Jerusalem… muli Siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Nagpakita Siya, hindi sa lahat ng tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi”. Ang pangaral ni Pedro ang siyang nagpatotoo na si Hesus ang itinalaga ng Diyos upang maging Hukom ng mga buhay at mga patay. 

Tayo rin ay mayroong muling pagkabuhay kaya pagsumakitan natin ang mga bagay sa langit na kinaroroonan ni Hesus na nakaupo sa kanan ng Diyos. Pag-isipan natin ang mga bagay na panlangit hindi mga bagay na panlupa, sapagkat iyon ang tunay nating kaharian. Isinaad sa kasulatan na sina Maria Magdalena, Maria, ina ni Santiago at Salome ay bumili ng pabango upang ipahid sa bangkay ni Hesus noong araw ng Linggo, tatlong araw ang nakalipas matapos ipako Siya sa Krus at mamatay.

Pagpasok ng mga babae sa libingan at nakita nilang nakaupo sa gawing kanan ang isang binata nakasuot ng mahaba at puting damit. Nagulat sila at biglang nagsalita sa kanila ang lalaki: “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Hesus, ang taga-Nazaret na ipinako sa Krus. Wala na Siya rito. Siya ay muling nabuhay”. Sinabi pa ng lalaki na sabihin sa mga alagad ni Hesus lalo na kay Pedro na mauuna Siya sa kanila sa Galilea. “Makikita ninyo Siya roon, gaya ng sinabi Niya sa inyo”.

Pinagnila-nilayan ba natin ang kadakilaan ni Hesus na nagpakasakit at namatay para sa atin? Tayo ba’y nakisama sa tatlong araw na yaon upang muli tayong manikluhod, magpakasakit at humingi ng tawad sa ating nagawang kasalanan? Ano ang ating hangarin sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon? Tayo ba’y taos-pusong nagpatawad at huminiging tawad sa mga pinagkasalanan natin upang mag-panibago din tayo sa buhay na pawing kabutihan?

Gawa10:34a, 37-43; Salmo117; Colosas3:1-4 at Marcos16:1-7

* * *

Happy Birthday kina Resurrecion Jacinto, Irene Bautista at Armando Ostunal, NJ USA

ACIRC ANG ARMANDO OSTUNAL DIYOS HAPPY BIRTHDAY HESUS IRENE BAUTISTA KRUS MGA SIYA TAYO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with