^

PSN Opinyon

‘Nahuling sayaw ni El Bimbo…’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

“ ‘DI BALE ng panget, basta’t walang sabit.”

Ito daw ang paulit-ulit na paalala ng 68 taong gulang na ginang sa 40 anyos na binatang anak na si Jesus Mari “Jess” Pangilinan.

Hindi nagkulang sa papaalala ang inang si Aurora Manalastas o “Auring” kay Jess subalit sa huli nauwi sa pagiging kosa ng Caloocan City Jail ang anak dahil sa kasong ‘rape’. 

Anim ang anak ni Auring. Apat sa kanila may sarili ng pamilya. Naiwan sa kanya ang bunsong si Aries, nalumpo matapos magulungan ng ‘armored car’. Habang bumalik sa poder niya si Jess ng malugi ang negosyo nito sa Pampanga.   

Sa edad ni Auring, nagtitinda pa rin siya ng kagamitan sa eskwelahan sa La Consulacion College. Si Jess ang nagmana sa kanya sa galing sa pagtitinda.

Maikli man ang kanang paa ni Jess—pilantod, may sarili itong pwesto sa labas ng St. Agustine College, Pampanga. Nakapagtayo siya ng sarilng bahay dahil dito at nakapagpundar ng dalawang ‘side car’.

“Siya nga lang ang sumusuporta sa amin. Mahina na kasi ang kita ko sa eskwelahan. Marami na akong kakompitensya,” ani Auring.

Taong 2010, bigla na lang umuwi ng Caloocan si Jess. Nawalan ng negosyo ang anak. Naibenta niya na rin ang lupa’t bahay sa Pampanga, maging ang iba pa niyang kabuhayahan… dahil sa pagkalulong sa sugal.

Nauwi sa pagtatrabaho sa ‘vulcanizing shop’ na pagmamay-ari ni Carlito Lubrique alyas “Bimbo”, 36 anyos, kaibigan daw ni Jess.

Namalagi sa shop si Jess. Naging malapit siya kay Bimbo maging sa misis nitong si “Neri” (di tunay na pangalan), 36 anyos.

Mabilis na lang umugong ang balitang may relasyon umano si Jess at si Neri. Huli na daw ng malaman ito ni Auring.

 Ika-1 Mayo 2011 ibinalita na lang sa kanyang hinuli ng mga taga Brgy. 18, Caloocan ang anak at diniretso sa pulisya. Ang kasong sinampa… RAPE. Ito’y matapos mahuli sa akto ni Bimbo na pinagsasamantalahan daw ni Jess ang asawa.

Paliwanag ni Jess sa ina, matagal na umano silang may relasyon ni Neri.

“Sinabi ko, bakit sa may sabit pa? Sabi niya pinaglalaba daw kasi siya, pinapakain… binibilan ng pabango,” sabi ni Auring.

PARA SA ISANG BALANSENG pamamahayag, base naman sa salaysay na ibinigay ni Neri kay PO2 Marissa A. Santos ng Women and Children Protection Desk, Sub Station 2, Caloocan Police Station nung Mayo 1, 2011.

Bandang 11:00 ng gabi, Abril 30, 2011 habang natutulog si Neri sa kanilang bahay sa Kaunlaran Village  naramdaman na lang niyang may pumatong sa kanya. “Nang tignan ko si Jess pala iyon… pinag­hahalikan niya ako. Hinubad ang short at underwear ko. Sinabihan ko siya na “Wag” dahil nandyan ang asawa ko pero sinabi niya na tulog daw.  Sinabihan ko siya na “Kahit tulog yan, magigising iyon!”. Tinuloy pa rin niya ang paghalik sa akin… at pinasok na niya ang ari niya sa ari ko,” laman ng salaysay ni Neri.

Sinubukan ni Nering itulak si Jess subalit malakas ito. Biglang duma­ting si Bimbo at nakita niyang nakapatong sa kanya si Jess.

Nagwala ito. Inawat siya ni Neri, si Jess naman tumakbo sa taas ng bahay. Tinanong si Neri kung meron pa bang insidenteng naganap bago ang pangyayari nung ika-1 ng Mayo. Sagot ni Neri, “Meron po nung Abril 17, 2011…10:00 pm. Pininger naman niya ako habang ako’y natutulog,”-ayon sa salaysay.

Nang magising siya inalis niya ang kamay ni Jess subalit pilit pa daw nitong pinasok ang kanyang daliri sa kanyang ari. Hindi niya agad nagawang magsumbong dahil binantaan daw siyang papatayin pati mga kasama sa bahay.

Sinuportahan naman ni Bimbo, tumatayong testigo sa kaso ang testimonya ng asawa. Base naman sa salaysay na isinumite niya sa Prosecutor’s Office, Caloocan. Nasabing petsa at oras, bago pa mangyari ang insidente magkasabay pa silang umuwi ni Jess subalit nakatulog siya sa kanilang traysikel. Naunang pumasok si Jess pero maya-maya sumunod agad si Bimbo.

 Pagbukas niya ng pinto ng bahay nakita na lang niyang nakapatong si Jess sa ibabaw ni Neri. Na noo’y pareho ng nakababa ang mga short at underwear hangang tuhod. “Hahabulin ko sana si Jess dahil tumakbo siya paakyat pero niyakap ako ni Neri kaya nagwala na lang ako,” laman ng salaysay.

Bago pa maghain ng kaso ayon kay Auring, sinabihan daw siya ni Bimbo na ibalik sa Pampanga si Jess at ‘wag ng magpakita sa Caloocan.

“Sa tono ng salita niya, alam ko nakatunog si Bimbo na may relasyon si Jess at asawa niya…patay malisya lang siya,” ani Auring.

Binuyo lang daw itong si Bimbo na magreklamo ng isang pulis-Caloocan na kaibigan umano nito. “Sabi niya sa’kin pagmamay-aari mo ba laway-lawayan ng iba…ganun-ganun na lang?” wika ni Auring.

Kinausap ni Auring si Bimbo at tinanong “Bakit rape? Kung talagang may kasalanan ang anak ko dapat ‘diba Adultery?” Sagot umano ni Bimbo, “Kawawa naman ang limang anak ko kapag nakulong ang asawa ko!”

Nasa RTC-Branch 125 na ang kaso. Ilang beses ng na-‘reset’ ang mga pagdinig at hanggang ngayon bilanggo pa rin si Jess. Gustong malaman ni Auring ang legal na hakbang maari niyang gawin kaya’t nagpunta siya sa amin.

Itinampok namin si Auring CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

PARA SA AGARANG AKSYON, kinapayam namin sa radyo si City Prosecutor Ferdinand Valbuena ng Caloocan. Maliban sa matagal na usad ng kaso ni Jess, isiniwalat din namin kay Pros. Valbuena ang kopya ng Initial Medico-Legal Report na dala ni Auring. Sa pagsusuri nung ika-2 ng Mayo 2011 ni P/Supt. Filemon Porciuncula, District Chief/Medico Legal Officer ng Philippine National Police Crime Laboratory, Northern Police District Crime Laboratory Office-Caloocan: Conclusion, no evident injury at the time of examination. Dito pa lang kahina-hinala na. Sinabi ni Pros. Valbuena na makikipag-uganayan siya sa Prosecutor na may hawak upang malaman kung anong ‘stage’ na ang kaso.

 SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, naiintindihan namin na tali ang kamay ng prosecutor na isampa ang kasong Rape dahil meron diretsong reklamo ang umano’y biktima. Ang testimonya ng ‘medico legal officer’ na walang nakitang ebidensya ng sugat o sinasabing ‘fresh shallow o shallow healing lacerations’ ay tinatawag na ‘a matter of defense’ na pag-uusapan sa isang malawakang paglilitis.  Maari kayang ang nangyari dito, napuno na itong si mister at nakakita ng ebidensya kaya nag-file ng kasong ‘rape’ at pinalabas na nahuli niya ito sa akto? Makikita yan ng hukom. Takot ba ang bumalot sa asawa na makasuhan ng ‘adultery’ kaya gumawa siya ng ganung salaysay?

Pagdating naman sa mabagal na usad ng kaso, pwedeng maghain ng ‘Motion for a Speedy Trial’ ang abogado ni Auring. Para lubusan siyang matulungan pinapunta namin siya sa Prosecutor’s Office Caloocan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Sa gustong dumulog magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Cellphone Nos. 09213263166 (Chen), 09213784392(Carla), 09198972854 (Monique). Landline Nos. 6387285 / 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

vuukle comment

AURING

BIMBO

CALOOCAN

JESS

LANG

NERI

NIYA

PAMPANGA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with