QCPD “Warrant Day” Ops, 25 pasaway dinakma

MANILA, Philippines — Kasabay ng patuloy na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa iba’t ibang krimen, muling nagpatupad ng Warrant Day ang Quezon City Police District (QCPD) kung saan nasa 25 mga “pasaway” ang binitbit ng mga police station sa lungsod.
Ayon kay QCPD Acting Director PCol. Randy Glenn Silvio, isinagawa ang Warrant Day nitong Biyernes kung saan kabilang sa mga dinakip ay tatlong Station Level Most Wanted Persons (MWPs), dalawang MWPs at 20 Other Wanted Persons (OWPs).
Batay sa report, ang District Mobile Force Battalion (DMFB) sa ilalim ni PLtCol. Edgar Batoon ang nakaaresto sa No.9 Most Wanted Person ng Anonas Police Station 9 na si alyas “Ramon”, 32, na residente ng Hagonoy, Bulacan. Si “Ramon” ay may pending WOA dahil sa paglabag sa Batas Pambansa Blg 22, o Anti-Bouncing Check Law, na inisyu ng Pasig City Metropolitan Trial Court (MeTC), Branch 155. Lumitaw din sa Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) System, na may kaso ring Cybercrime Prevention Act of 2012 noong Enero 2022 at Swindling (Estafa) ngayon taon si “Ramon”.
Sa ilalim naman ng pamumuno ni Masambong Police Station 2 chief PLtCol. Rolando Baula, natunton sa Bacoor City si alyas “Hector”, 36, na may WOA sa kasong Syndicated Estafa, na inisyu ng Parañaque City Regional Trial Court Branch 258. Sangkot din ito sa mga kasong Syndicated Estafa noong Hunyo 2022, Pebrero, Marso, Abril, Nobyembre at Disyembre ng taong 2024 hanggang buwan ng Pebrero, Marso at Abril ngayong taon.
Nadakip naman ng Batasan Police Station 6 sa ilalim ni PLtCol. Romil Avenido ang No. 6 MWP na si alyas “Jonathan”, 29, sa Morado St., Area B Talanay, Brgy. Batasan Hills, Quezon City. May WOA sa kasong Rape by Sexual Assault si “Jonathan” mula sa Branch 229, QC RTC.
Ang iba pa ay naaresto ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Fairview Police Station (PS 5), District Intelligence Division (DID), District Anti-Carnapping Unit (DACU), District Special Operations Unit (DSOU), PS 1 (1), PS 3 (1), PS 4 (2), PS 7 (2), PS 8 (1), PS 9 (1), PS 11 (1), PS 12 (1), PS 13 (1), PS 14 (1), at PS 15 (1).
- Latest




















