6-anyos special child tinalian sa leeg, pinagsasampal, sinalpak sa laundry basket
Amang lasenggo arestado
MANILA, Philippines — Arestado ang isang Grab rider dahil sa pananakit at pang-aabuso sa kanyang 6-anyos na anak na isang special child at live-in partner, kamakalawa ng umaga sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay San Roque, Quezon City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9262 (Physical and Emotional Abuse) si Roy Winston Alumisin, 27, matapos na ireklamo ng kanyang live-in partner na si Vimarie Ziga, 24- anyos; kapwa ng No. 94 15th Avenue, Brgy. San Roque, Quezon City.
Sa pahayag ni Ziga kay Pat. Gelyn Cabatay ng Quezon City Police District-Cubao Police Station 7, umiinom ng beer ang live-in partner niyang si Alumisin at dala ng kalasingan ay bigla na lamang nitong sinaktan ang kanilang 6-anyos na anak na special child. Ipinulupot nito sa leeg ng anak ang tali ng vape saka pinagsasampal at inilagay sa laundry basket.
Nakuhanan naman ni Ziga ng video sa pamamagitan ng kanyang cellphone ang pananakit ng kinakasama kaya nagpumilit ang huli na makuha ang cellphone.
Dahil hindi naagaw ni Alumisin ang cellphone, si Ziga naman ang pinagsasampal nito at nginudngod sa sahig.
Nagresponde naman ang mga tauhan ng Brgy. San Roque nang mapanood ang pinost na video ni Ziga sa Facebook at inaresto ang mister. Agad ring dinala sa Quezon City Medical Center (QCMC) at East Avenue Medical Center (EAMC) ang mag-ina.
- Latest