Bebot 12-araw nawawala, isinako, tinapon sa bangin
Posibleng ginahasa bago pinatay
MANILA, Philippines — Patay na at nakasilid sa sako nang matagpuan sa ilalim ng bangin ang isang babae na 12 araw nang iniulat na nawawala, nitong Lunes ng hapon sa Barangay Cansuaguit, Loon, Bohol.
Sa report na nakalap sa PNP Headquarters sa Camp Crame, Quezon City, kinilala ang biktima na si Roselyn Gaorian, may-asawa.
Lumalabas na iniulat ng kanyang pamilya sa Tubigon Police Station ang pagkawala ni Gaorian simula pa noong Abril 3, 2024.
Huling nakita si Gaorian na buhay sa kanyang trabaho bilang cashier sa isang LPG outlet sa Barangay Pinayagan Sur, bayan ng Tubigon. Mula noon ay hindi na siya nakauwi at hindi na rin makontak ang kanyang cellphone.
Lumilitaw sa imbestigasyon na mismong mister at kapatid nito na naghahanap sa biktima ang nakalanghap ng masangsang na amoy na nagmumula sa madamong lugar sa ilalim ng bangin.
Napansin nila ang isang sako na natatakpan ng mga bato at pinanggagalingan ng amoy.
Agad na humingi ng tulong ang mister ng biktima sa Loon Police Station hanggang sa positibo na itong kinilala ng una.
Ayon kay Police Major Rey Olar, hepe ng Loon Police Station, malaki ang posibilidad na pinaslang na ang biktima bago itinapon ang katawan nito sa lugar. Sinasabing nasa isang linggo na itong patay pero natuklasan pa rin na may malaking pasa sa kanyang ulo, na pinaniniwalaang pinagpapalo ng matigas na bagay.
Hindi rin inaalis ng pulisya ang posibilidad na ginahasa ang ginang bago pinatay saka isinako at itinapon sa matarik na bangin.
Narekober naman ang bag ng biktima ilang araw na ang nakalilipas na naglalaman ng kanyang mga personal na gamit sa bayan ng Calape.
- Latest