Bomb threat ni ‘Karasawa’, transnational crime - PNP
MANILA, Philippines — Itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na transnational crime ang bomb threat na kamakailan ay ipinakalat ng nagpakilalang Japanese lawyer na si Takahiro Karasawa sa ilang government agencies at paaralan sa bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, lumilitaw na bukod sa Pilipinas, nagpakalat din ng katulad na bomb threat ang gumagamit ng pangalan ni Karasawa sa Japan, South Korea at Taiwan.
Aminado si Fajardo malaking hamon para sa kanila na matukoy ang nasa likod ng pagpapakalat ng bomb threat e-mail.
Aniya, puspusan ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Anti-Cybercrime Group (ACG) sa kanilang foreign counterpart upang matunton ang responsable sa mga bomb threats.
Batay sa kanilang pakikipagpulong sa Department of Information and Communications Technology (DICT) kasama ang iba pang law enforcement agencies, lumalabas na totoong tao si Karasawa subalit na-hack ang kaniyang e-mail na siya ngayong ginagamit para maghasik ng takot.
Magugunitang nito lamang Martes nang bulabugin ng naturang bomb threat e-mail ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng DENR, DOST, DepEd at ilang LGU.
Payo ng PNP, iwasang ikalat ang mga bomb threat email at sa halip ay agad na makipag-ugnayan sa pulisya.
- Latest