Mga bulok na PUJs, winalis ng I-ACT sa Caloocan
MANILA, Philippines — Nalinis ang mga pangunahing kalsada sa mga pampasaherong jeep sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Navotas nang ikasa kahapon ang ‘Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ ng Inter-Agency for Traffic (IACT) at Land Transportation Office (LTO).
Nag-umpisa ang operasyon ng I-ACT at LTO sa pangunguna ni LTO Supt. Ronaldo Abelardo dakong alas-7 ng umaga at inikot ang mga kalsada ng Samson Road at Dagat-Dagatan Avenue sa Caloocan, at C4 Road na sakop ng Malabon at Navotas City.
Dito hinuli ng mga operatiba ang mga pampasaherong jeep na makakapal ang ibinubugang usok, walang mga maayos na ilaw, pudpod ang mga gulong, at tanggal ang ibang mga bahagi. Ilang mga jeep din ang na-impound dahil sa kawalan ng sapat na dokumento para makapamasada.
Dahil dito, luminis ang naturang mga kalsada makaraang iilan-ilang pampasaherong jeep na lamang ang pumasada matapos na makatunog sa ginagawang operasyon ng IACT. Nagresulta ito ng pagkaka-stranded ng mga pasahero.
Nagbigay naman ng ‘libreng sakay’ ang Police Community Relations Office ng Navotas City Police para sa mga na-istranded na pasahero sa kanilang lugar dulot ng kakapusan ng mga pumasadang jeep.
- Latest