^

Onsehan sa droga Bebot sinaksak na, binaril pa

Mer Layson (Pilipino Star Ngayon) - November 24, 2014 - 12:00am

MANILA, Philippines - Hinihinalang onsehan sa droga ang dahilan ng pagpatay sa isang  babae na sinaksak at binaril ng tatlong kalalakihan sa Pasig City kahapon ng madaling-araw.

Dead on the spot ang  biktima na inilarawan na nasa 20-25-anyos, may taas na 5’1”, kayumanggi, nakasuot ng sleeveless na blouse  at printed na leggings. Mabilis namang tumakas ang tatlong lalaking suspek matapos ang krimen.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Laurence Punzalan, ng Station Investigation Detection Management Branch (SIDMB) ng Pasig City Police, dakong alas-3:50 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Market Ave., Bgy. Palatiw, sa lungsod.

Sa salaysay ng testigo, narinig niya ang walang tigil na tahulan ng mga aso sa labas ng bahay kung saan nakita niya ang biktima na nakikipag-usap sa dalawang lalaki.

Naulinigan pa umano niya ang babae na sinasabi sa mga lalaki na,”Ginagawa ko naman ang pinagagawa niyo ah!”     Inakala ng testigo na tampuhan lamang ng magkakaibigan ang nagaganap kaya’t hindi na niya ito pinansin.

Makalipas ang ilang mi­nuto ay narinig niya ang  biktima na humihingi ng tulong kaya’t muli siyang sumilip sa labas at nakita ang biktima na pinagtutulungang saksakin ng dalawang suspek.

Lalabas umano sana  ang testigo upang tulungan ang biktima ngunit nakita umano niya ang ikatlong suspek na papalapit at armado ng baril saka pinaputukan ang biktima ng dalawang beses kaya’t hindi na siya lumabas pa sa pangambang mada­may sa krimen.

Kaagad umanong itina­wag ng  testigo sa mga awtoridad ang insidente ngunit hindi na naabutan ng mga rumespondeng pulis ang mga suspek.

Ayon kay Punzalan, narekober nila sa crime scene ang backpack  ng biktima na may dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na nakalagay sa isang posporo.

Patuloy pa ring iniimbes­tigahan ang nasabing kaso upang makilala ang biktima at mga suspek at matukoy na rin ang tunay na motibo ng krimen.

AYON BATAY BIKTIMA LAURENCE PUNZALAN MARKET AVE PASIG CITY PASIG CITY POLICE STATION INVESTIGATION DETECTION MANAGEMENT BRANCH
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with