Anak sa pagkakasala
(Pilipino Star Ngayon) - June 20, 2019 - 12:00am

Dear Dr. Love,

Habang nagkakaisip ako lalo kong nadarama ang pangungulila sa ama. Hanggang sa malaman ko na ang lahat tungkol sa aking pagkatao at ngayon ay naguguluhan ako sa aking pakiramdam, sana hindi ko na lang nalaman ang totoo.

Inilihim lahat ng aking ina ang tungkol sa ama ko. Iminulat niya ako na patay na siya. Pero nang nasa hustong gulang na ako ay ipinagtapat din niya na nakakulong ang ama ko at siya ang tiyuhin ko.

Hindi ko alam kung tatanggapin ko ang katotohanang ito. Ipinaglaban ako ng ina ko hanggang maipakulong ang aking ama. Sa tuwing babalikan ko ang tunay na pangyayari sa aking buhay, parang sinisi ko rin ang aking sarili. Sana hindi ko na lang nalaman ang totoo.

Nagtatalo ang isip ko kung dadalawin ko ba ang tunay kong ama. Bagama’t nagkasala siya, siya pa rin ang ama ko.  Hindi ko rin alam kung ituturing akong anak ng nagkasala kong ama.  Kaya nga naiinggit ako sa mga buo ang pamilya, mayroon silang ama na masasandigan at malaya silang ipahayag ang kanilang pagmamahalan. 

Jessica

Dear Jessica,

Nangyari na ang nangyari na naging daan para maisilang ka sa mundo. Kaya sa halip na pagtuunan mo ang kamalian ng iyong nakaraan, subukan mong tingnan ang mga positibong bagay ng iyong kasalukuyan—kapiling mo ang iyong ina at bagaman nakakulong ay buhay ang iyong ama.

Sana matuloy ang pagbisita mo sa iyong ama at nawa ay mangibabaw sa puso mo ang pagpapatawad. Tama ka, kahit nagkasala siya, hindi mababago na ama mo pa rin siya.

Pasalamatan mo naman ang iyong ina, na sa kabila ng lahat ay piniling buhayin, arugain at bigyan ka ng magandang kinabukasan.

Hangad ko na maging progresibo ang situwasyon ng iyong pamilya.

DR. LOVE

DR. LOVE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with