Reelection bid ni Bong Go, inendorso ng PDP

MANILA, Philippines — Muling pinagtibay ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pangakong patuloy na magseserbisyo sa publiko sa pagdiriwang ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ng ika-42 anibersaryo nito sa Cebu City.

Ang nasabing okasyon ay nagmarka sa mahalagang sandali ng pagsasama-sama ng mahigit isang libong miyembro ng partido, mga opisyal, at mga tagasuporta nito.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Go ang naging kritikal na papel ng pagtutulungan ng magkakasama at pagtitiwala ng publiko sa tagumpay ng dating administrasyon.

“Parati ko pong na­ririnig na pinapasalamatan kami sa mga tulong, sa mga programa. Huwag po kayong magpasalamat sa amin. Kami po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan niyo po kami ng pagkakataon na makapagserbisyo po sa inyo,” sabi ni Go.

“Ilang taon na po ang nakalipas nang tayo’y hu­ling nagkita at marami nang nagbago... Subalit ang ating pagkakaisa at layunin para sa bayan ay nananatili pa ring matibay,” dagdag niya.

Bilang national auditor ng partido, idiniin ni Go ang papel ng partido bilang tagapagtaguyod ng pagbabago at progreso sa bansa.

Sa pagdiriwang aniya ng ika-42nd anibersaryo, binalikan ng PDP ang mga aral at mga tagumpay na nakamit nito, gayundin ang mga hamon na inaasahang darating at iyon ay pawang kanilang nalampasan.

Kasabay ng anibersaryo, inanunsyo ng partido ang mga pangunahing kandidato nito para sa darating na halalan sa 2025.

Idineklara ng PDP na si Go, kasama ang mga senador na sina Ronald “Bato” Dela Rosa at Francis Tolentino, ay nakatakdang tumakbo muli sa midterm elections.

Bukod dito, nakatanggap ang aktor na si Philip Salvador ng suporta mula sa pambansang konseho bilang isa pang potensyal na kandidato sa pagkasenador ng partido sa susunod na senatorial elections.

Hiniling ni Go ang suporta sa pagpapatibay ng representasyon ng partido sa iba’t ibang antas ng ­gobyerno. Binigyang-diin niya na bigyang prayoridad ang mga hakbang na direktang makatutulong sa socio-economic sector.

“Unahin po natin ‘yung mga programa na makatutulong sa mga nasa ibaba,” sabi ni Go. Nanawagan ang senador sa PDP na ipagpatuloy ang pagkakawang-gawa, pagtutulungan, at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino na siyang bumubuo sa diwa ng partido.

Show comments