Egg farmers nagbabala: Matinding init ng panahon 'nakakaliit ng itlog'
MANILA, Philippines — Kapansin-pansin para sa ilang konsyumer at supplier ang pagtaas ng suplay ng maliliit na itlog sa mga palengke — bagay na dulot aniya ng matinding init ng panahon ayon sa mga nag-aalaga ng manok.
Sa ulat na ito ng ABS-CBN nitong Huwebes, idinaing ng ilang mamimili at negosyante ang naturang pangyayari sa gitna ng "warm and dry season" at El Niño. At dahil may imbalance sa pagitan ng sizes, apektado na rin ang mga presyo nito.
"Ang pinakamalaking dahilan ay 'yung sobrang init ng panahon. Sumabay pa ang El Niño. Ang epekto po nito ay 'yung paghina ng pagkain ng ating mga alagang manok," ani Philippine Egg Board Association president Francis Uyehara.
"'Yung epekto po nito ay ng pagbaba ng produksyon. Panagalawa po ay lumiliit din po 'yung sizes [ng itlog] na nakukuha natin."
Bukod pa rito, namamatay din sa heat stroke ang ilang manok dahil sa init.
Bagama't nagmumura ang maliliit na itlog sa taas ng suplay, kasabay na tumataas nito ang presyo ng malalaki dahil kakarampot sa merkado.
Kung dating P240/tray ang mga "jumbo" na itlog sa Blumentritt, pumapalo na ito sa P260/tray. Sa kabila nito, P160/tray ang bentahan sa ngayon ng "medium" na itlog mula sa dating P190/tray.
Bagama't hindi gumalaw ang presyo ng "jumbo" eggs sa Murphy Market, P1 kada piraso ang iminura ng "medium."
Una nang sinabi ng PAGASA na nasa 12 na lugar sa bansa ang nasa "danger" category na ang heat index dahil sa init ngayong Biyernes. Pinakamainit na rito ang Ambulong, Tanauan Batangas at Aborlan, Palawan na posibleng umabot ng 44°C.
Mataas ang posibilidad ng "heat cramps" at "heat exhaustion" sa mga naturang erya. Gayunpaman, posibleng-posible rin ang nakamamatay na "heat stroke" kung patuloy nasa ilalim ng sinag ng araw ang mga residente.
Una nang nagbigay ang Department of Health ng mga sintomas ng tinatamaan ng heat stroke, bagay na pwedeng lapatan ng akmang "first aid." — may mga ulat mula sa News5
- Latest