Duterte 'magpapakulong na lang' kaysa sagutin grave threat complaint
MANILA, Philippines — Magpapakulong na lang daw si dating Pangulong Rodrigo Duterte kaysa sagutin ang "grave threat" complaint matapos pagbantaan ang buhay ni ACT Teachers partylist Rep. France Castro sa telebisyon.
Humaharap kasi ngayon si Digong sa reklamong paglabag sa Article 282 ng Revised Penal Code at ng Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa death threats kaugnay ng kontrobersyal na confidential funds ni Bise Presidente Sara Duterte, kanyang anak.
"Magpakulong na lang ako. Kasi wala naman akong… Ino-opress ako ni France," ani Digong sa isang SMNI program kasama si Apollo Quiboloy, isang FBI wanted religious leader, nitong Miyerkules.
Ilang araw na ang nakalilipas nang utusan ng Quezon City Prosecutor's Office si Duterte na agarang sumagot sa reklamo ng aktibistang mambabatas, ito habang pinahaharap ng personal kaugnay ng naturang subpoena.
Taliwas ang sinabi ni Duterte sa pahayag ng kanyang abogadong si Harry Roque nitong Huwebes.
"Now that there is a pending case before a Philippine fiscal’s office, of course, he will face his accusers and he will prove that he did not breach any of our existing laws," sabi ni Roque sa panayam ng ANC.
Gayunpaman hindi pa klaro kung haharap siya mismo o kung abogado na ang aasikaso rito.
Kabilang sa mga pahayag na ginawa ni Digong na dumidiin sa kanya sa naturang criminal charge ay ang pagdedeklara kay Castro nilang "unang target" ng confidential fund ni VP Sara.
Ito ang unang beses na haharap ang dating presidente sa kriminal na asunto matapos mawalan ng presidential immunity.
"Very thankful ako sa Quezon City Prosecutor's Office kasi after three days na na-file namin itong complaint ay umaksyon na sila agad," ani Castro sa isang pahayag.
"Hopefully dumating si dating Presidente Rodrigo Roa Duterte sa preliminary investigation."
Dahil sa naturang subpoena, kinakailangang humarap si Duterte sa Office of the City Prosecutor sa Quezon City sa ika-4 at ika-11 ng Disyembre. — may mga ulat mula kay Ian Laqui
- Latest