Halos 50% ng Pinoys 'aprub' sa vote buying basta iboboto ang gusto — SWS
MANILA, Philippines — Simula pa Enero 1992 hanggang 2022, naniniwala na ang karamihan ng Pilipino na walang problemang tumanggap ng pera tuwing eleksyon — basta't iboboto mo pa rin ang kandidatong gusto mo.
Ito ang ibinahagi ng Social Weather Stations, Martes, sa kanilang "2023 SWS Survey Review." Ibinatay ito sa mga survey na ikinasa noong nakaraang taon, panahon kung kailan nangyari ang 2022 elections.
"Half [of Filipinos] agreed with accepting money provided that one votes according to one's conscience," sabi ng SWS kahapon.
Kung ia-average ang mga "payag" dito sa iba't ibang surveys noong 2022, aabot ito sa 49.66%:
- Pebrero 2022 (50%)
- Marso 2022 (51%)
- Abril 2022 (48%)
Matatandaang pinayuhan noon ni dating Bise Presidente Leni Robredo, na kumakandidato noon sa pagkapangulo, na kunin ang pera ng mga magtatangkang bumili ng kanilang boto pero markahan pa rin sa balota ang napupusuan nilang kandidato.
Sa kabila nito, ipinaalala ng Commission on Elections na krimeng pinarurusahan ng batas ang parehong vote buying at vote selling.
Gayunpaman, hindi pwedeng maghain ng anumang election-related cases bago ang "official campaign period" dahil hindi pa itinuturing na ganap na kandidato ang mga tumatakbo. — James Relativo
- Latest