^

Bansa

Robredo camp kampanteng tataas pa sa presidential surveys sa simula ng mga debate

James Relativo - Philstar.com
Robredo camp kampanteng tataas pa sa presidential surveys sa simula ng mga debate
Makikita sa larawan ang pagbisita ni Bise Presidente Leni Robredo sa mga nasalanta ng bagyong "Odette" sa San Vicente, Palawan, ika-22 ng Disyembre, 2021
Mula sa Facebook page ni Vice President Leni Robredo

MANILA, Philippines — May panahon pa naman daw makahabol si Bise Presidente Leni Robredo sa 2022 presidential race oras na magsimula ang pormal na panahon ng kampanya at mga debate kahit malayo-layo pa sa kasalukuyang numero uno sa surveys.

Kasalukuyan kasing nasa ikalawang pwesto si Robredo (20%) sa Pulse Asia survey na inilabas noong Miyerkules — bagay na mas maliit sa 53% ni dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

"Ito hindi ‘to speculation. Batay ito sa nakaraang nangyari. Noong 2015, 2016, ganito rin ang sitwasyon [sa vice presidential race noon]. Humahabol si Leni Robredo sa mga ibang kandidato, by December 2015 malayo-layo pa siya sa mga frontrunners," wika ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, sa panayam ng TeleRadyo, Huwebes.

"Pero no’ng nangyari ‘yong debate... klaro —  nakita ng mga tao kung sino ang magaling. Nakita ng mga tao kung sino talaga ang merong ibubuga. At sa dulo, 'di ba, kahit na close race, siya ang nagwagi ‘di ba."

Matatandaang natalo ni Robredo si Bongbong, anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr., noong 2016. Ganoon pa man, dikit ang laban at nakalamang lang siya ng nasa 260,000 boto.

Nagprotesta pa noon si BBM para kwestyonin ang resulta ng nakaraang VP elections, ngunit ibinasura rin ito ng Korte Suprema na umuupo noon bilang Presidential Electoral Tribunal.

Malaki ang itinalon ni Robredo sa survey na ikinasa noong ika-1 hangghang ika-6 ng Disyembre. Nasa ikaanim na pwesto kasi siya sa "Ulat ng Bayan" survey ng Pulse Asia noong Setyembre.

"‘Pag dating ng aktwal na kampanya at magkakaroon na tayo ng mga televised debates, magkakaroon na tayo ng mas pursigidong pagsusuri ng ating mga kandidato, lalabas ‘yong totoong lakas ni VP Leni," sey pa ni Gutierrez, na dating kinatawan ng Akbayan party-list.

"Gaya nga ng sinabi ko eh, in two months umakyat siya ng 12 points, so six percentage points per month.  Eh apat na buwan pa ‘yan eh, so kayang-kaya ‘yan."

Aniya, pinakamalaking hamon na lang daw sa kandidatura ngayon ni Robredo ang mga kinakaharap na mga paninira at maling impormasyon sa nakalipas na anim na taon. Pero tiwala pa silang marami pang makukumbinsi basta maipakita ang kanyang mga accomplishments.

Pag-atras ng ibang opposition bets para kay Leni?

Bukas pa rin naman daw ang kanilang kampo sa ngayon na makipag-alyansa sa iba pang kakandidato sa 2022 para mapalaki ang tiyansa sa pagkapanalo ng oposisyon laban sa mga pambato ng administrasyon.

Isa na nga raw dito ang pakikipagtulungan kamakailan ni Sen. Manny Pacquiao, na tumatakbo rin sa pagkapangulo, kina Robredo para maghatid ng tulong sa mga nasalanta ng Typhoon Odette.

"Kaya ako ang tinitignan ko dito, kung sakaling gano’n ang trajectory, direksyon nga ang pupunta, kung may mag-express ng willingness, hindi lang simpleng withdrawal. Talagang withdrawal at declaration of support, talagang mangangampanya para 'don sa taong susuportahan," wika pa ni Gutierrez.

"Kasi in a way ang nagkaroon ng gano’ng klase ng unification ‘yong kabilang kampo ngayon, nagsanib puwersa ‘yong dalawang posibleng presidentiable, at kita mo naman talagang tumaas ang kanilang numero, nagwork for them."

Una nang inuudyok si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa pagkapangulo lalo na't numero uno siya noon sa presidential surveys. Ganunpaman, nakipag-alyansa na lang at naging runningmate ang presidential daughter kay Bongbong.

'Mayo 2022 ang totoong survey'

Bagama't mababa sa Pulse Asia Survey si Partido Lakas ng Masa presidential bet Ka Leody de Guzman (0.2%), hindi naman daw siya magpapatinag sa pagtakbo para dalhin ang boses ng karaniwang manggagawa sa Palasyo.

"Ang tunay na kapasyahan ng taumbayan ay lalabas sa Mayo 2022. Ang mga survey, commissioned man o hindi, ay pagtatantya lamang sa magiging resulta nito," sabi niya sa media kahapon.

"Hindi tayo natitinag sa resulta ng mas survey. Tuloy lang sa pagtataas ng diskurso para pag-usapan ng masa ang plataporma ng mga solusyon sa kanilang pang araw-araw na mga problema. Kapag nakita nila ang kaibhan ng kandidatong manggagawa, umaasa akong makukuha ko ang kanilang tiwala't suporta. Manalig sa masa."

Aniya, sinyales ang surveys na nangangailangan na talaga ng electoral reforms para mas maging patas ang laban para sa mga tunay na lider laban sa mga "elielitista... mapera, may-pangalan, at pinopondohan ng mga bilyonaryong negosyante."

Una nang sinabi ni De Guzman, na bahagi rin ng oposisyon bilang aktibista, na wala siyang balak umatras para suportahan ang ibang kandidato sa 2022.

vuukle comment

2022 NATIONAL ELECTIONS

BONGBONG MARCOS

LENI ROBREDO

LEODY DE GUZMAN

PULSE ASIA

SURVEY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with