Trillanes, 4 pa kinasuhan ng kidnapping
MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong kidnapping with serious illegal detention ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Department of Justice si dating senador Antonio Trillanes IV at apat na iba.
Ang kidnapping with serious illegal detention ay isang non-bailable offense.
Bukod kay Trillanes, kasama rin sa kaso sina Fr. Albert Alejo, Atty. Jude Sabio, isang “Sister Ling” ng Convent of Cannussian Sisters sa Makati City at isang hindi pa nakikilala batay na rin sa reklamo ni Guillermina Lalic Barrido, 43, ng Davao del Norte.
Sa affidavit ni Barrido, sinabi nito na nakatanggap siya ng plane ticket mula kay Alejo mula General Santos City patungong Manila noong 2016.
Sinundo umano siya nina Alejo at Sabio at dinala sa Convent of Cannussian Sisters sa Makati kung saan siya kinulong mula Disyembre 6-21, 2016.
Matapos ang nasabing petsa ay inilipat naman siya sa Holy Spirit Convent nina Alejo, Sabio, Sister Ling, at isang nagpakilalang staff ni Vice Pres. Leni Robredo.
Dagdag pa ni Barrido, paulit-ulit din siyang tinatawagan ni Trillanes at pinagbantaan umano na hindi siya maaaring umalis hanggat hindi pinipirmahan ang isang affidavit.
Nabatid na hindi ito ang unang pagsasampa ng kaso ni Barrido laban kay Trilanes.
Lumilitaw na 2017 nang humingi ng tulong si Barrido kay noo’y Justice secretary Vitaliano Aguirre II dahil sa mga natatanggap na death threats mula sa senador.
Sa katunayan nag-alok pa sa kanya si Trillanes ng P1 million upang idawit si Pangulong Duterte sa killings ng Davao Death Squad.
Mariin namang itinanggi ni Trillanes ang kasong kidnapping na isinampa sa kanya.
Base sa impormasyon ng senador, nagboluntaryo umanong tumestigo laban kay Pangulong Duterte ang sinasabing biktima ng kidnapping pero butas-butas ang kuwento at nanghihingi umano ng pera kapalit ng kanyang salaysay kaya hindi natanggap na testigo. Joy Cantos, Malou Escudero
- Latest