Poe-Chiz bantay sarado sa halalan
MANILA, Philippines – Bantay-sarado ang grupo nina Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero sa dayaan na maaaring mangyari sa darating na halalan para masigurong ang mga mananalo ay ang mga tunay na ibinoto ng taumbayan.
Sinabi ni Escudero na nakahanda ang kanilang mga abogado at IT expert laban sa pandarayang maaaring maganap sa Mayo 9.
“Sinisikap namin na mabantayan ito at kung may gagawin mang milagro o pandaraya, tinitiyak namin na mahuhuli at makikita namin ito,” giit ng tumatakbong bise-presidente sa ilalim ng “Gobyernong may Puso” na nagsusulong ng mabilis at inklusibong pag-unlad, pagsugpo sa kahirapan, malinis na pamahalaan at pandaigdigang kakayanan.
Kaugnay nito, tiwala si Escudero na hindi magpapadala ang mga botante sa resulta ng mga naglalabasang survey na itinuturing ng ilan na bahagi ng pagkundisyon sa isipan ng mga botante.
“Maski na sa loob ng sabungan, may tumataya palagi sa dehado, hindi lang palagi sa lyamado,” dagdag ng beteranong mambabatas.
Binalaan din ni Escudero ang mga botante laban sa mga kandidatong ginagamit ang mga pag-aari ng gobyerno sa kampanya at sinabing hindi na ito maituturing na “tuwid na daan.”
- Latest

















