^

Punto Mo

Palanca winners nagtimpi sa ‘tukso’

PANDAYAN - Ronnie M. Halos - Pang-masa

Tila napakatahimik ng halos lahat ng mga nagwagi sa 2026 Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa loob ng ilang linggo bago idinaos ang awarding nights nitong Nobyembre 24 sa Makati City. Halos walang makitang post, mensahe o litrato tungkol sa kanilang pagkapanalo sa social media. Masasabing halos dahil may isang naunang naglabas ng balita sa Facebook page ng isang institusyon noong kalagitnaan ng Oktubre. Maliban dito, walang ibang kapansin-pansing pag-aanunsiyo ng mga nagwagi bago ang opisyal na seremonya. Ilang oras bago o habang idinaraos ang awarding nights, saka lamang nagsimulang maglitawan sa Facebook at iba pang social media ang mga pangalan ng mga nagwagi sa iba’t ibang kategorya sa English, Filipino at mga wikang panrehiyon. Nalaman na rin ng publiko ang mga akdang nagwagi at ang mga may-akda ng mga ito.

Ayon sa ilang nagwagi, nakatanggap sila ng email mula sa Palanca na magalang na humihiling na panatilihing kumpidensiyal ang balita tungkol sa kanilang pagkapanalo upang hindi maunahan ang opisyal na anunsiyo sa gabi ng parangal. Hindi man tuwirang binanggit ang social media, malinaw na saklaw din nito ang mga pagpo-post sa naturang mga plataporma.

Maaaring tugon ito ng Palanca sa nakagawian noong mga nakaraang taon na may ilang nagwagi na agad nag-aanunsiyo ng kanilang tagumpay sa social media makaraang matanggap ang liham ng pagkapanalo. May mga pagkakataong ang mismong organisasyong kinabibilangan nila ang nagbabahagi ng magandang balita.

Sa panahon ngayon, mahirap namang sisihin ang mga taong gustong ibahagi sa publiko ang kanilang mga tagumpay at karangalan. Napakadali nang mag-post sa social media at ilang pindot lamang ay maaari nang malaman ng daan-daan o libu-libong tao ang isang magandang balita. Likas lamang sa sino mang nagwagi na ipagmalaki ang pagkilalang natanggap mula sa isang prestihiyosong patimpalak.

Gayunman, may tamang panahon din para sa bawat anunsiyo. Sa pagkakataong ito, halos lahat ng mga nagwagi ay nagtimpi at naghintay sa opisyal na pagpapahayag ng Palanca. Maaaring simpleng pagsunod lamang ito sa kahilingan ng Palanca ngunit maaari ding ituring na pagpapakita ng paggalang sa isang institusyong matagal nang kaagapay sa pagpapaunlad ng panitikan sa bansa.

Hindi naman nababawasan ang saya at karangalan ng pagkapanalo dahil lamang sa ilang linggong paghihintay bago ito maibahagi sa publiko. Sa halip, nagkaroon pa ng pagkakataon ang Palanca na mauna itong ipakilala sa publiko ang mga bagong pangalan at akdang nagtagumpay sa taunang patimpalak nito.

••••

Email- [email protected]

TUKSO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with