324 siyudad at bayan nasa state of calamity sa El Niño
MANILA, Philippines — Dahil sa matinding epekto ng El Niño phenomenom o tagtuyot, nasa 324 siyudad at munisipalidad na sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang isinailalim sa state of calamity, ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.
Ayon sa NDRRMC, hanggang kamakalawa ng hapon ang El Niño phenomenom ay nakaapekto sa kabuhayan at pamumuhay ng nasa 1,075,690 pamilya o kabuuang 4,307,644 indibidwal sa nasa 5,174 Barangays sa 13 lugar mula sa kabuuag 17 rehiyon sa bansa.
Ayon sa NDRRMC, nasa 119 siyudad at munisipalidad ang nasa state of calamity sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM) habang nasa 71 lugar naman sa Western Visayas.
Samantala, nasa 40 siyudad at munisipalidad rin sa Cagayan Valley ang isinailalim sa state of calamity, 32 sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato City, Sarangani, Sultan Kudarat at General Santos City), 28 sa Central Visayas, 17 sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), walo sa Northern Mindanao, tig-tatlo sa Ilocos Region at Zamboanga Peninsula, dalawa sa Eastern Visayas at isa naman sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang tatlong rehiyon na may pinakamataas namang bilang ng mga naapektuhang populasyon ay kinabibilangan ng Western Visayas na nasa 437,176 pamilya o katumbas na 1,635,869 katao; Soccsksargen 148,123 pamilya o nasa 726,935 indibidwal at BARMM na nakapagtala ng 126,368 pamilya o nasa kabuuang 623,231 indibidwal.
Ang iba pang rehiyon na matinding naapektuhan ang populasyon sa heat waves ay ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region at Cordillera Administrative Region (CAR).
- Latest