P69 milyong shabu naharang sa checkpoint sa Northern Samar

MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P69 milyon na hinihinalang shabu na nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at lokal na pulisya sa checkpoint sa isang lalaking lulan ng kotse, kamakalawa sa bayan ng Allen sa Northern Samar.
Ang naaresto ay kinilalang si Mangayao Mitomara, residente ng Paliparan, Dasmariñas City, Cavite.
Sa ulat, tumulong ang Coast Guard District Eastern Visayas at Coast Guard K9 Force sa Allen Municipal Police sa ikinasang joint land interdiction operation sa Brgy. Jubasan, Allen, ng lalawigan.
Nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis at coast guard nang sitahin ang isang silver na Toyota Vios dahil sa hindi pagsusuot ng seatbelt ng driver nito at wala ring maipakitang rehistro ng sasakyan.
Dahil sa ‘impoundable penalty’ ito, inimbitahan ang suspek sa tanggapan ng Highway Patrol Group- Northern Samar Office para sa beripikasyon.
Nang inspeksyunin ang sasakyan, dito tumambad ang isang eco bag na naglalaman ng 10 bloke ng hinihinalang shabu na nakabalot sa Chinese tea bag wrapper na may label na “Guanyinyang” bilang isa sa paraan para makaiwas sa paghihinala ng mga otoridad. - Doris Franche-Borja
- Latest