Buong suporta ibibigay ni Bongbong Marcos sa SSS
MANILA, Philippines — Upang matiyak ang pagiging epektibo habang bumabangon ang bansa sa pandemya ay ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibibigay ang buong suporta sa Social Security System (SSS).
Sa kanyang talumpati sa paggunita ng ika-65 anibersaryo ng SSS sa SSS building sa Quezon City, tinitiyak ni Marcos na bilang Pangulo ay susuportahan niya ang lahat ng hakbang para sa pagpapaunlad, pagpapahusay at pagiging produktibo ng ahensiya para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Sinabi rin ni Marcos na ang kritikal na papel ng SSS sa pagpapalakas ng panlipunang proteksyon ng bansa ay higit na mahalaga sa kasalukuyang panahon lalo na sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya.
Ayon pa kay Marcos, nais niyang makita kung papaano ilalapit ng SSS ang serbisyo sa mga miyembro nito at gumawa ng positibong epekto sa mga komunidad na kanilang pinagseserbisyuhan.
Sinabi rin ng Pangulo na sa pamamagitan ng isang malakas at matatag na SSS ay magkakaroon ng isang mas magandang kinabukasan, hindi lamang para sa mga miyembro nito kundi pati na rin sa buong bansa.
Inilatag din ni Marcos ang ilang mga programa na pinasimulan ng kanyang administrasyon sa SSS.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng Contribution Subsidy Provider Program, ang flexible payment scheme para sa mga mangingisda at magsasaka at ang Contribution Penalty Condonation Program para sa mga business at household employers.
- Latest