Marcos wala pang napipiling kalihim sa DOE, DENR, DOST at DOH
MANILA, Philippines — Walang itinakdang deadline si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para makumpleto ang mga miyembro ng kanyang Gabinete.
Ito ang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles at kabilang sa mga wala pang napipiling kalihim ay ang Department of Energy (DOE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Health (DOH) at Department of Science and Technology (DOST).
“Wala po siyang binibigay sa amin na sinasabi nilang deadline.Ang sinasabi is, masuri talaga ang pag-evaluate nila dito sa mga kandidato para sa mga posisyon,” ani Angeles.
Pero, sinabi rin ni Angeles na sa pagkakaalam niya ay nasa final evaluation stage na ang pagpili at hindi na matatagalan at ihahayag kung sino pa ang magiging miyembro ng Gabinete.
Itinanggi ni Angeles na nahihirapan si Marcos kung sino ang itatalaga sa DOH dahil kabilang sa mga ikinokonsidera ay sina Secretary Francisco Duque III at dating Health Secretary Janette Garin.
Idinagdag ni Angeles na wala siyang impormasyon kung mayroon nang inalok para pamunuan ang health department.
- Latest