Converge nakauna Ulanday

MANILA, Philippines — Nagpabugbog muna ala-FPJ ang Converge bago magpaulan ng suntok sa dulo upang kaldagin ang Rain or Shine, 130-118, at makaumang sa 1-0 abante sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup quarterfinal series kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Naiwan sa hanggang 17 puntos ang No. 3 seed na FiberXers bago mabilis na bumalikwas upang makabinyag sa kanilang mabilisang race-to-two series at mamuro sa semifinals.
May pagkakataong makumpleto ng Converge ang misyon bukas para sa tiket sa best-of-seven Final Four series kontra sa mananalo sa pagitan ng No. 2 seed na Talk ‘N Text at No. 7 seed na Eastern.
Anim na players ang umiskor ng double digits sa balanseng atake ng Converge sa pangunguna ng 35 puntos, 17 rebounds, 3 assists at 3 tapal ng import na si Cheick Diallo.
Humakot naman ng 22 puntos at 8 rebounds si Justin Arana na nagbabalik mula sa knee injury habang may 21 at 17 puntos sina Jordan Heading at Schonny Winston, ayon sa pagkakasunod.
May tig-13 puntos din na kontribusyon sina Justine Baltazar at Alec Stockton, na nagdagdag ng 10 assists, 1 steal at 1 tapal.
Dahil sa mahabang pahinga, kinalawang ang FiberXers nang matambakan agad ng Elasto Painters, 34-17, sa first quarter subalit unti-unti itong binaklas simula sa matamis na higanti sa second quarter.
Nagpakawala ng 38-23 ratsada ang FiberXers sa second quarter para maagaw ang kalamanagan sa halftime, 64-62, nag nagbigay-daan sa dikdikang duwelo hanggang sa fourth quarter.
Doon, mas marami ang baong gasolina ng mga bataan ni coach Franco Atienza na sumakay sa 31-22 birada para masungkit ang 12-puntos na tagumpay.
Abante lang ng 1 puntos ang FiberXers sa huling 10 minuto, 105-104, subalit umariba sa 13-4 run para lumayo sa 118-108 iskor sa tungo sa panalo.
- Latest