Gin Kings, Beermen ilalayo ang serye
MANILA, Philippines — Higanteng 2-0 abante ang tangka ng San Miguel at Ginebra habang matamis na ganti upang makatabla ang nais ng Rain or Shine at Meralco sa krusyal na Game 2 ng 2024 PBA Philippine Cup semifinals ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sisiklab ang giyera sa alas-3 ng hapon tampok ang Gin Kings kontra sa Bolts kasunod ng bakbakan sa pagitan ng Beermen at Elasto Painters sa alas-6:15 ng gabi.
Nakauna ang San Miguel kontra sa RoS sakay ng dikit na 101-98 panalo habang nakalusot din ang Ginebra sa karibal na Meralco, 92-88, para sa parehong 1-0 kartada ng kanilang best-of-seven serye.
Para kay Gin Kings coach Tim Cone, isang panalo palang ang naisukbit nila at walang kwenta ito kung hindi masusundan sa Game 2.
“The bottom line is it’s just Game 1. It’s a long series. It’s a lot of games ahead of us. It’s just nice to get the first one out of the way, as it always is in a series,” ani Cone.
Bumida sa panalo ng Gin Kings si Stanley Pringle na kumana ng 22 puntos tampok ang ilang krusyal na baskets sa fourth quarter upang mapigilan ng Gin Kings ang tangkang comeback ng Bolts.
Ang panalo sa Game 1 din, pati na ang alas na si 7-time PBA MVP June Mar Fajardo na humakot ng 23 puntos, 11 rebounds at 3 tapal, din ang sasandalan ng Beermen upang makaulit sa Elasto Painters.
Subalit hindi ito magiging madali lalo’t gigil makabawi ang RoS at Meralco.
Pangungunahan nina Chris Newsome, Chris Banchero, Allein Maliksi, Raymond Almazan at Cliff Hodge ang ganti ng Bolts habang babandera sa resbak ng Elasto Painters sina Beau Belga, Gian Mamuyac, Santi Santillan, Jhonard Clarito at Andrei Caracut.
- Latest