Magnolia nag-init
MANILA, Philippines — Unti-unti nang nanunumbalik ang bangis ng Magnolia matapos angkinin ang ikalawang sunod na tagumpay kontra sa Phoenix, 107-93, sa 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Naiwan nang milya-milya ang Hotshots sa second quarter matapos magpakawala ng pambihirang 39-19 ratsada ang Fuel Masters pero nakaahon sa second half tungo sa 14-point victory.
Nagbuslo ng apat na tres si Mark Barroca para sa 27 points sahog pa ang 4 assists upang giyahan sa 3-2 kartada ang Magnolia sa rematch nila ng Phoenix matapos magharap sa semifinals ng nakaraang Commissioner’ Cup.
Nagdagdag naman ng 23, 13 at 11 markers sina Ian Sangalang, Jio Jalalon at Joseph Eriobu, ayon sa pagkakasunod, para sa Hotshots na nakahabol na top contenders matapos ang maalat na 1-2 simula.
Kumaripas kaagad ang mga bataan ni coach Chito Victolero sa 28-18 abante pagkatapos ng unang bakbakan bago hinayaan ang pagbalikwas ng Phoenix sa isang 20-point turnaround sa second quarter patungo sa 57-47 halftime lead.
Muling naagaw ng Hotshots ang abante, 79-77, papasok sa fourth quarter, kung saan sila sumandal sa 12-2 rally para tuluyang makalayo sa Fuel Masters, 91-79, tungo sa tagumpay.
Tumira ng 21 points si RJ Jazul, habang may 17, 16 at 11 markers sina Ken Tuffin, Jason Perkins at Javee Mocon, ayon sa pagkakasunod, para sa Fuel Masters na nalaglag sa 2-5 kartada.
- Latest