Santiago hahataw para sa Chery Tiggo
MANILA, Philippines – Inaasahang magbabalik sa second round ng 2020 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa Mayo si Chery Tiggo Crossovers ace player Jaja Santiago matapos ang international stint sa Japan.
Nagbalik sa bansa ang dating national team member matapos ang matagumpay na paglalaro sa V. Premier League ng Japan nang tulungan niya ang Aego Medics na makuha ang una nilang tansong medalya sa liga.
Ayon kay Santiago, hindi rin siya magtatagal sa bansa dahil maaari pa siyang bumalik sa Japan sa katapusan ng buwan kung sakaling matuloy ang one-week league sa Mayo.
“Babalik pa ako by the end of March siguro. Depende kung matutuloy ang tournament naming sa Japan sa May. Wala pa akong date na talagang babalik pa,” wika ni Santiago.
Mula nang makabalik ay tuluy-tuloy pa rin ang pagsasanay ng 2016 PSL Grand Prix MVP kasama ang mga Crossovers para makahabol sa kanilang sistema.
“Nagti-training ako. Kasi hindi ba bumalik ako ng Japan noong February 25. Nag-training kaagad ako and after na malaman naming na cancelled, then bumalik ako rito and after noon tuluy-tuloy ‘yung training ko,” dagdag nito.
Malaki ang pasasalamat si Santiago sa kanyang local club dahil sa walang sawang pag-intindi at pagsuporta sa kanya lalo na sa mga nais niyang tahakin sa karera.
Bukod sa kanyang pagbabalik ay inaabangan din ang muling pagpalo sa local volleyball scene ng ate niyang si Dindin Santiago-Manabat.
- Latest