Marcial binigyan ng panibagong 3-year term
MANILA, Philippines — Si Willie Marcial pa rin ang magiging Commissioner ng Philippine Basketball Association sa susunod na tatlong taon.
Unanimous ang naging boto ng 12 PBA Board of Governors sa ginanap na annual planning ng liga sa Milan upang panatilihin sa puwesto si Marcial.
Ibig sabihin nito ay magsisilbing pinuno ng liga si Marcial hanggang 2024, lagpas pa sa krusyal na taong 2023 kung kailan magsisilbing host ang Pilipinas ng prestihiyosong FIBA World Cup.
Mayroon pa sanang isang taon si Marcial sa kontratang pinirmahan noong 2018 subalit nagdesisyon na ang PBA Board na palawigin ito dahil sa magandang pamamalakad niya sa nakalipas na dalawang taon.
Matatandaang noong 2017 ay si Marcial ang nagsilbing taga-pamayapa sa magulong PBA Board na muntikang mahinto muna ang liga.
Itinalaga muna siya bilang OIC kasunod ng pagbaba sa puwesto ni ex-PBA chief Chito Narvasa hanggang sa ipormalisa na nga ang kanyang appointment bilang ika-10 Commissioner ng pinakamatandang liga sa Asya.
Mula sa dating PBA media bureau chief, nabansagan siyang “healing commissioner” na humilom sa sugat ng noon ay hati-hating PBA Board.
Sa kanyang dalawang taong stint, naging mas solido pa sa bato ang PBA Board na nagresulta sa gumaganda na uling liga at walang humpay na suporta sa national team na Gilas Pilipinas.
Kabilang na rito ang Asian Games, FIBA World Cup Asian Qualifiers, FIBA World Cup at SEA Games.
- Latest