Low profile, kampeon sa PCSO Silver Cup Race
MANILA, Philippines – Nadagdagan ang koleksiyon ng tropeo ng Low Profile nang pangunahan nito ang PCSO Silver Cup race na ginanap sa karerahan ng Saddle & Club sa Santa Ana Park sa Naic Cavite kahapon.
Pinatungan ni ace jockey Mark Angelo Alvarez, sa pagbukas pa lamang ng aparato ay wala nang nakauna pa sa pambato ng horse owner na si Ruben B. Dimacuha at kinukundisyon ni Conrado M. Vicente.
Wala ang “lutsa” o agarang hagaran sa unahan, para mapuwersa ang “ayre” ng Low Profile, na isang limang taong kastanyo mula sa inahing si Lacquania at istalyong si Tribal Rule.
Hindi man lang naka-amoy ng buntot man lamang ng Low Profile ang mga kalaban sa kabuuan ng 2,000 metro distansiyang karera.
Ang impresibong naitalang pruweba ng Low Profile ay 2:05-1/5 na hinati sa mga quarter times na 25-segundo; 23-1/2 segundo; 26-segundo; 24-1/2 segundo at dumating pa ng 26-1/2 segundo. Ang dumaig sa kanya sa 2015 Presidential Gold Cup na Dixie Gold, pag-aari ng negosyanteng si Joseph Dyhengco ay nagparemate rin, pero nasegundo lamang ito, tersero ang Kanlaon at pang-apat ang Messi.
Hindi nakasali sa papremyuhan si Gentle Strength.
Tumataginting na P2.5-milyon ang naidagdag sa kita ng Low Profile para mapanatili ang pagiging pinaka-mayamang kabayong pangarera. P700,000 naman ang napunta sa koneksyon ng Dixie Gold habang P350,000 sa Kanlaon na panlaban ni Benjamin A. Abalos III at P250,000 sa Messi na isinali naman ni Atty. Narciso O. Morales.
Ang naturang pakarera na inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office ay para sa Ateneo de San Pablo Batch ‘69 na dinaluhan ng mga opisyales nito gayundin ang host club at sponsoring firm na PCSO. J.Macaraig
- Latest



















