Gabbi ibinugaw ng sariling ina!
MANILA, Philippines - Ang isang ina ay ilaw ng tahanan, siya ang nagbibigay liwanag sa kaisipan ng kanyang mga supling. Siya ang kanilang gabay patungo sa maaliwalas na kinabukasan. Ngunit paano kung ang mismong ina ang magiging dahilan upang unti-unting malugmok ang kanyang anak sa putikan na habang buhay nitong susubukang takasan.
Ngayong Sabado sa Magpakailanman, huwag palampasin ang kuwento ni Pia, isang babae na sa kanyang napakamurang edad ay nasadlak sa putikan nang ibugaw siya ng kanyang sariling inang si Magda. Kapalit ng pera, hindi inalintana nito na maaring masira ang buhay at mga pangarap ng sariling anak.
Tanging pangarap lang ng kanyang ina ang magandang buhay pero dahil sa kahirapan at pagkakabaon sa utang ay naging alipin siya ng pera at dito ay nagawa niyang ibugaw ang kanyang sariling anak sa ibat-ibang lalaki. Sa murang edad ni Pia, gamit ang katawan ay kinailangan niyang kumita ng pera para sa pamilya.
Hanggang sa dumating si Ramon, ang matandang nabaliw at nagmahal kay Pia na sinuportahan pati pag-aaral niya at ng kanyang mga kapatid.
Nagpumilit siyang makatapos nang pag-aaral pero nang mabuntis siya kay Ramon pinilit siya nitong ipalaglag ang dinadala dahil may pamilya ito kaya hindi niya maaaring panagutan ang bata.
Subalit pinatunayan ni Pia na hindi dahil masama ang puno, magiging masama na rin ang bunga.
Kahit itinulak siya ng ina sa maruming propesyon, hindi nangangahulugan na siya’y magiging patapon ding ina. Kahit ano’ng hirap ang patuloy niyang dinaranas, sinisikap ni Pia na itaguyod ang mga anak sa disenteng paraan.
Itinatampok ang premyadong aktres na Si Ms. Cherie Gil bilang Magda, Leo Martinez bilang Ramon, Gabbi Garcia bilang Pia, Phytos Ramirez bilang Chris, Gilleth Sandico bilang Mrs. Chua, Kenneth Paul Cruz bilang Paolo, Lindsay de Vera bilang Anne, at Sean Rose bilang Lance.
Mula sa direksyon ni Neal del Rosario, huwag palampasin ang Magpakailanman ngayong Sabado pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA 7.
- Latest