Ratratan sa Final Four ng NCAA simula na

MANILA, Philippines – Apat na maiinit na koponan ang magbabakbakan sa simula ng best-of- three semifinals sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong araw.
Unang sultada ang labanan sa pagitan ng defending champion San Beda University at Emilio Aguinaldo sa alas-3 ng hapon, sunod ang bakbakan ng Letran at Jose Rizal University sa alas-5 ng hapon.
Magkakapareho ang nasa kukote ng SBU, EAC, Letran at JRU, ang manalo para mapalakas sa asam na makalaro sa finals subalit dalawa lang sa kanila ang uusad kaya asahang magiging mainit ang labanan.
Huhugot ng lakas ang San Beda sa kanilang troika na sina Aldous Torculas, Dan Marcelo at John Bonzalida na mga naging susi nang manalo sila sa quarterfinals laban sa University of Perpetual System DALTA, 73-71.
“Mas ginusto ko lang na manalo at ando’n ‘yong eagerness [namin] to make the right plays and do the right things,” ani Torculas.
Masusubukan naman ang tibay ng dibdib ng EAC na ipinakita nila sa preliminary round kung saan ay nakagawa sila ng history nang sumampa sa final four sa kauna-unahang pagkakataon sapul ng sumali sa liga noong 2009.
- Latest


















