Perpetual, Arellano hihirit ng ‘do-or-die’

MANILA, Philippines — Pareho ang nasa isip ng University of Perpetual Help System DALTA at Arellano University na manalo upang makahirit ng ‘do-or-die’ game sa quarterfinals ng NCAA Season 102 men’s basketball tournament sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Kailangan manalo ng dalawang beses ang Altas at Chiefs dahil may ‘twice-to-beat’ advantage ang kanilang mga kalaban.
Makakatapat ng Perpetual Help ang defending champion San Beda University ngayong alas-3 ng hapon, habang haharapin ng Arellano ang Jose Rizal University sa alas-5.
Nabiyayaan ng bonus Red Lions at Heavy Bombers matapos upuan ang No. 1 at No. 2 spots sa Group A sa team standings tangan ang parehong 10-3 record, habang No. 3 at 4 sa Group B ang Chiefs at Altas na may 6-7 at 4-9 marka, ayon sa pagkakasunod.
Huhugot ng lakas ang Altas kina Jim Corpuz at Shawn Orgo upang makuha ang panalo at makapuwersa ng ‘do-or-die’ match kontra Red Lions.
“Ang lagi lang sinasabi sa amin ng mga coaches namin ay kung mag-prepare kami parang nasa playoffs na,” sabi ni Corpuz.
Kakapitan naman ng Red Lions sina Aldous Torculas, Jimmy Reyes at Andreu Ugaddan.
- Latest


















