Ika-8 dikit na ratsada pakay ng UP sa FEU
MANILA, Philippines — Maniniguro ng top two puwesto ang pasok na sa Final Four na University of the Philippines kaya nasa kukote nila na kaldagin ang makakatapat na Far Eastern University, ngayong araw sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum.
Subalit tiyak na hindi magiging madali para sa Fighting Maroons ang pagsilo ng panalo dahil determinadong makabawi ang Tamaraws sa kanilang 79-90 pagkatalo noong first round at mapatibay ang kanilang kapit sa top four.
Magsisimula ang banatan ng UP at FEU sa alas-5 ng hapon, pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng National University at University of the East sa alas-2:30 ng hapon.
Tanging ang UP pa lamang ang koponang nakasiguro na ng puwesto sa Final Four, pakay nilang pahabain ang kanilang winning streak sa walo upang madala ang momentum sa semifinals.
Hawak ang pinakamagandang kartada sa liga na 9-2, nakatuon din ang Fighting Maroons sa pagsungkit ng twice-to-beat advantage sa Final Four.
Umaayon ang sistema ni coach Goldwin Monteverde, mula ng hawakan ang koponan noong 2022, nagtapos ang UP sa top two sa loob ng limang magkakasunod na season at nakapag-uwi ng dalawang korona.
“Nasa Final Four nga kami, pero ‘di pa namin iniisip ‘yun. ‘Yung iniisip namin is ‘yung preparation namin na tapusin ‘yung eliminations na panalo,” sabi ni Veejay Pre, ang Season 87 Rookie of the Year.
Isa si Pre sa mga tigasing armas ng UP.
Kasalukuyang katabla ng FEU ang defending champion na La Salle sa ikatlo at ikaapat na puwesto na may kartadang 6-5, kalahating laro ang lamang sa University of Santo Tomas na may 6-6.
- Latest



















