Lady Blazers kinumpleto playoffs cast

MANILA, Philippines -- Hindi na nagpaliguy-ligoy ang College of Saint Benilde sa pagdispatsa sa Mapua University, 25-21, 25-14, 25-20 upang ikahon ang huling tiket sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup playoffs na
nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kanina.
Pinamunuan ni setter Zen Basilio ang balanseng atake ng Lady Blazers at pagpatibay ng kanilang net depensa upang kalusin ang Lady Cardinals
at tapusin ang pool play sa pagtarak ng magkasunod na panalo.
Tinapos ng CSB ang group stage na tangan ang 2-1 win-loss record sa likuran ng Pool B leader University of Santo Tomas (2-0) na kasalukuyang nakikipagpaluan ng bola sa Jose Rizal University.
Isa sa dalawang koponan mula sa NCAA na nakapasok, makakasama ng Lady Blazers ang mga malalakas na teams ng UAAP sa Pool E-- ito’y ang National University na naghahangad ng kanilang panlimang sunod na kampeonato, Far Eastern University, at Adamson University.
“I think it’s definitely a challenge but one that we’re willing to take on. Since it’s a young lineup, we still have a lot to prove. And having this chance and opportunity to play against UAAP teams, that's a big thing for us. Something we can build on coming into the (NCAA) season,” sabi ni Basilio na nilista ang 10 excellent sets at apat na puntos, galing lahat sa blocks.
Nasa Pool F ang runner-up noong nakaraang taon na University of Santo Tomas, University of the Philippines, Letran, at Ateneo De Manila University kung saan lahat ng laban ay mapapanood via PusoP.com at Solar Sports.
Magsisimula sa susunod na Linggo ang carryover round-robin second round, kung saan maglalaban-laban ang mga koponan para sa dalawang quarterfinals twice-to-beat advantage na nakataya sa bawat pool.
Nagtala si Camila Bartolome ng 12 points mula sa 10 kills at dalawang blocks, pitong puntos ang tinipa ni Mary Grace Borromeo habang bumakas si Arianna Pua ng anim na puntos para sa Lady Blazers.
Nagtala sina Zyra Morales at Freighanne Garcia ng tig siyam at walo, ayon sa pagkakasunod para sa Lady Cardinals.
- Latest




















