Depensa ni VP Sara babaguhin estratehiya

MANILA, Philippines — Matapos bawiin ng prosec 3 articles Tiniyak ng defense team ni Vice President Sara Duterte na rerebisahin at aayusin nito ang estratehiya sa presentasyon ng mga ebidensya matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban sa kanya.
Ayon kay defense spokesperson Atty. Michael Poa, kailangan nilang tiyakin na ang mga ihaharap na ebidensya ay mananatiling may kaugnayan sa natitirang artikulo ng impeachment, na may kinalaman sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Senado sa Nobyembre 9.
Ipinaliwanag niya na mahalagang maipakita ng depensa ang kaugnayan ng bawat ebidensya upang maiwasan itong kuwestiyunin ng prosekusyon.
“For example, we still have to show relevance kasi kung hindi, in fairness to the prosecution madali lang silang mag-object diyan at inaasahan natin na mag-object sila. I would have done the same,” aniya.
Aminado si Poa na nais sana ng depensa na ituloy ang orihinal nitong plano sa presentasyon ng ebidensya, ngunit kinakailangan nilang baguhin ito dahil sa mga bagong kaganapan sa kaso.
“We need to tweak our strategy a bit now, although sa totoo lang, we would have wanted to still go on with our initial plans on how to present our evidence. But with the development, kailangan talaga natin tingnan,” dagdag niya.
Sinabi ni Poa na hindi naman kinakailangang baguhin nang buo ang estratehiya ng depensa, ngunit kailangan nitong suriin kung alin sa mga nakahandang ebidensya at testigo ang mahalaga pa sa mas makitid na saklaw ng paglilitis.
Inamin din niya na ang depensa ang tumutol sa naunang mungkahi sa pre-trial proceedings na magsalitan ang prosekusyon at depensa sa presentasyon ng mga testigo at ebidensya.
Ayon sa kanya, tumutol ang depensa dahil sa usapin ng burden of proof at iginiit nitong dapat munang ilatag ng prosekusyon ang buong kaso bago magharap ng sagot ang kampo ni Duterte.
- Latest


















