Cagayan solon, pamilya sabit sa bilyong plunder

Ombudsman probe gumugulong na
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman si Cagayan 3rd District Rep. Joseph “Jojo” Lara at ilang miyembro ng kanyang pamilya kaugnay ng umano’y kasong plunder na may kinalaman sa multi-bilyong pisong halaga ng mga kontrata ng pamahalaan.
Si Lara, na nagsilbing vice chairperson ng House Committee on Appropriations noong ika-19 na Kongreso, ay iniuugnay umano sa Pulsar Construction Corporation, JDL5 Construction Corporation, at JLL Pulsar Construction Corporation.
Ayon sa Ombudsman, posibleng hindi tunay na naisakatuparan ang pagdi-divest ni Lara sa kanyang mga interes sa mga naturang kumpanya ng konstruksiyon.
Lumalabas umano sa imbestigasyon na ang mga pondong ibinayad sa mga kumpanya ay napunta pa rin sa personal na bank account ng mambabatas.
“Dapat sana ay isa itong divestment na sa tingin namin ay hindi talaga nangyari dahil ang perang ibinayad sa mga kumpanyang ito ng konstruksiyon ay napunta pa rin sa kanyang pribadong bank account, na nagkakahalaga ng P1.9 bilyon,” ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Dahil dito, sinabi ni Remulla na sasailalim si Lara sa preliminary investigation kaugnay ng kasong plunder. Nahaharap din umano siya sa kasong graft.
Kasama rin sa preliminary investigation ang asawa ni Lara na si Zarah Rose Lara; kanilang mga anak at manugang.
Nauna nang sinabi ng Ombudsman na umano’y nakapagkamal si Lara ng tinatayang P10.02 bilyong ill-gotten wealth sa pakikipagsabwatan umano sa mga miyembro ng kanyang pamilya habang nasa serbisyo publiko.
Batay sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), nakatanggap umano si Lara ng mahigit P1.9 bilyon mula sa mga kamag-anak, mga kaakibat na entities, at mga tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2019 hanggang 2025.
Natuklasan din umano ng Ombudsman na nakatanggap ang mambabatas nang humigit-kumulang P3.8 bilyon mula sa DPWH, mga kaakibat na construction company, at mga joint venture na sangkot sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Bukod dito, nakatanggap umano si Lara at ang kanyang asawa ng karagdagang P6.1 bilyong interes na may kaugnayan sa mga kontrata sa imprastraktura ng DPWH.
Napansin din ng Ombudsman na umano’y itinago ni Lara at ng ilan sa kanyang mga kamag-anak ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga tunay na may-ari ng ilang construction company.
- Latest























