Archers sinuwag ng Tamaraws
MANILA, Philippines — Binuldoser ng Far Eastern University ang defending champion De La Salle University, 90-78 kagabi sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumikada si Kirby Mongcopa ng 20 points para tulu-ngan ang Tamaraws na sumiksik sa five-way tie sa tuktok ng team standings tangan ang tig-2-1 karta habang ang Green Archers ay nalasap ang pangalawang sunod na talo sa tatlong salang.
Kasama ng FEU sa top spot ang NU, UP, Ateneo at University of Sto. Tomas.
Malakas na sinimulan ng Far Eastern University ang first quarter matapos nilang makalamang ng 11 puntos, 17-6 mula sa 1 play ni Janrey Pasaol may 2:51 minuto pa sa orasan.
Nagpatuloy ang pag-liyab ng opensa ng Tamaraws kaya nanatiling malaki ang kanilang bentahe, 25-13 sa pagtatapos ng unang yugto.
Hindi pa rin nanlamig ang opensa ng FEU sa second frame kaya nadagdagan pa ang kanilang lamang, 52-38 sa halftime.
Agresibo pa rin ang panunuwag ng Tamaraws sa third canto at napanatili nila ang kanilang bentahe, 76-62 papasok ng fourth at final quarter.
Sinabayan na lamang ng FEU ang mga puntos na sinasalpak ng DLSU sa payoff period kaya naman madaling nakuha ng una ang panalo.
Samantala, nagwagi ang UST laban sa University of the East, 98-87 upang ilista ang ika-2 panalo sa tatlong laro at sumalo sa tuktok ng liderato.
Sinandalan ng UST sa opensa si Mark Llemit upang siguruhin ang panalo nila laban sa UE na nakitaan ng tikas sa fourth quarter.
Tumikada si Llemit ng 22 points para isalo ang Growling Tigers sa tuktok ng team standings tangan ang tig-2-1 karta at mapa-natili ang tsansa nila sa asam na korona ngayong season.
“Marunong din naman mag-basketball ‘yung kalaban eh. 0-3, new coach, pero syempre ‘yung mga players gusto rin magpasikat niyan para sa bago nilang coach. Nung se-cond half nakuha nila ‘yung momentum pero kami at least steady, in the end we got the win. As long as we get that W, one, two, three points, basta manalo ok lang,” sabi ni UST head coach Pido Jarencio.
Wala pa rin panalo ang Red Warriors sa apat na laro, mas lalo pang nabaon matapos malasap ang kanilang ika-24 na sunod na pagkatalo na nagsimula pa noong UAAP Season 87.
- Latest


















