Jurado, UST pinasiklaban CSB

MANILA, Philippines — Sinandalan ng University of Sto. Tomas si veteran hitter Regina Jurado para pagulungin ang College of Saint Benilde, 25-21, 25-12, 25-18, sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.
Tumikada si Jurado ng 12 sa kanyang game-high 13 points sa attacks upang tulungan ang Golden Tigresses na lapain ang Lady Blazers.
“Very thankful and nakaka-gain talaga ng confidence namin na first win namin ito and sunud-sunod ang mga games and liga. Happy na nakuha namin ang first game na ito,” sabi ni Jurado, na lumaro lamang ng dalawang sets.
Sinaluhan ng UST ang Mapua University sa top spot sa Pool B sa ligang suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
Bumakas din sina Marga Altea at Erica Guttierez ng tig-pitong puntos habang kumana si Avril Bron ng five markers para sa Tigresses.
Sinubukan ni UST head coach Shaq Delos Santos ang kanyang setter rotation at nagkaroon ng magandang resulta, tumipa sina Aneeza Santos at Arlene Waje tig-walong excellent sets habang anim ang nirehistro ni veteran playmaker Cassie Carballo.
Napalaban ang UST sa first set, mula sa limang puntos na bentahe ay tinapyasan ito ng CSB sa dalawa, 23-21.
Pero hindi nasira ang diskarte ng Tigresses, umiskor si Jurado ng dalawang sunod na kills para tapusin ang laro.
- Latest



















