Torres binuhat Blazers sa panalo

MANILA, Philippines — Nakabangon mula sa pagkakadapa ang College of Saint Benilde matapos nilang pagulungin ang Mapua University, 82-77, kahapon sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nirehistro ni Best Player of the Game Ian Torres ang 15 points at tig-dalawang rebounds at assists upang tulungan ang Blazers na ipinta ang 3-1 karta at upuan ang pangalawang puwesto sa Group A ng team standings.
Sumadsad nakaraan ang CSB kontra Jose Rizal University, 69-73 at bokya sa puntusan si Torres.
Kaya naman maliban sa Taft-based squad, ay nakabawi rin si Torres sa panalo nila sa Mapua.
“Hinayaan ko na lang yung sarili ko na i-enjoy yung game ko, thank you Lord kasi bumabalik na yung kumpiyansa ko,” masayang sabi ni Torres.
Pinamunuan ni Justin Sanchez ang opensa para sa Blazers sa tinikadang 16 markers, 11 rebounds, anim na blocks, apat na assists at isang steal habang 14 ang kinana ni John Morales.
“What was crucial in the endgame were our vets,” ani coach Paolo Layug. “That’s really what it came down to, they were making their shots as well.”
Si Ivan Lazarte ang kumana sa puntusan para sa Cardinals sa tinipang 22 points, six rebounds at six assists, may 14 si Cyrus Cuenco habang bumanat si Yam Concepcion ng 13, nalasap nila ang pangatlong sunod na kabiguan.
Samantala, kinadena ng Arellano University ang pangatlong sunod na panalo matapos nilang dominahin ang Perpetual Help, 88-65 upang saluhan sa tuktok ng Group B ang Letran na may tig-3-0 karta.
Bumira sa King Vinoya ng 15 points, dalawang rebounds at isang assist upang tulungan ang Chiefs na ipalasap sa Altas ang pangalawang kabiguan sa apat na salang.
Bumakas si T-Mc Ongotan ng 13 markers, apat na rebounds, tatlong assists at dalawang steals habang may tig-10 ang tinipa nina Yuan Camay at Basty Valencia para sa Arellano.
- Latest






















