Canossa, Kings’ Montessori hinataw ang bronze sa PNVF U-18 Championships
MANILA, Philippines — Pinabagsak ng Canossa Academy (Lipa City) ang Angatleta Orion (Bataan), 25-16, 25-23, 21-25, 25-20, para angkinin ang bronze medal sa boy’s division ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championships kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Tinakasan naman ng Kings’ Montessori ang De La Salle-Lipa, 25-19, 25-18, 25-14, para kunin ang girls’ bronze sa torneong inorganisa ng PNVF sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara.
Sumandal ang Kings’ Montessori kina Kriska Gindap at Paula Palma para talunin ang La Salle-Lipa sa loob ng 87 minuto.
Kasalukuyan pang pinaglalabanan kagabi ng University of Santo Tomas at National University ang girls’ crown kagaya ng agawan ng VNS-Savouge at Umingan sa boys’ title.
Sa classification matches noong Sabado ay inangkin ng De La Salle-Lipa ang fifth place mula sa 25-20, 26-24, 13-25, 25-20 panalo sa Hermosa Volleyball Club.
Pinatumba naman ng Philippine Christian University ang Taytay, 25-21, 27-25, 25-23, para sa seventh spot.
Samantala, umiskor ang De La Salle-Zobel ng 23-25, 25-20, 23-25, 25-4, 15-12 panalo sa Gracel Christian College para sa fifth place finish.
Giniba ng Canossa Academy ang San Juan Institute of Technology-Batangas, 22-25, 25-18, 26-24, 25-17, para sa seventh place sa women’s contest.
- Latest