Evangelista nagtala ng bagong PSL record
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni record-breaker Aishel Cid Evangelista ang mga gold medalist sa unang araw ng 137th Philippine Swimming League (PSL) National Series - 13th Sen. Nikki Coseteng Short Course Swimming Championship na ginaganap sa Diliman Preparatory School swimming pool sa Quezon City.
Nagrehistro si Evangelista ng bagong record sa boys’ 8-year 50m freestyle nang magrehistro ng 34.60 segundo para maningning na simulan ang kanyang kampanya.
Hataw din si Evangelista sa 100m Individual Medley kung saan nagtala siya ng isang minuto at 27.09 segundo para ilampaso sina Cristoffe Boletche (1:35.44) at Ethan Alejandrino (1:42.62) na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Binigyan naman ni Palarong Pambansa multi-gold medallist Micaela Jasmine Mojdeh ng magandang regalo ang sarili nang pagreynahan ang girls’ 12-year 50m butterfly sa bilis na 30.65 segundo.
Tinalo ni Mojdeh sina silver medallist Danae Dessa Sarmiento (34.22) at bronze winner Angela Torrico (34.63).
Nagdiwang ng kanyang ika-pitong kaarawan si Mojdeh noong Hunyo 7.
“This is really a grassroots development program. They are starting as early as now and if they stay in the program, you can see what they will become a year after. We are doing this program to continue our search for new talents and potential swimmers. We monitor them to become regular competitive swimmers,” wika ni PSL President Susan Papa.
Nagbalik na rin sa bansa si reigning PSL Male Swimmer of the Year Marc Bryan Dula kung saan kaagad siyang nagparamdam makaraang angkinin ang ginto sa boys’ 11-year 50m butterfly sa bendisyon ng 33.91 segundo.
Nanalo din sina Richelle Anne Callera (girls’ 8-year 100m IM, 1:32.46), Trump Christian Luistro (boys’ 100m IM, 1:25.22), Charize Juliana Esmero (girls’ 15-over 100m IM, 1:13.68) at Paul Christian King Cusing (boys’ 15-over 100m IM, 1:02.59).
Ang iba pang gold medallists ay sina Triza Haileyana Tabamo, Jasmine Del Moro, Hugh Antonio Parto, Yohan Cabana, Eryza Buison, Stephanie Caropo, Alyssa Cabatian, Hanna Sales, Raj-K Rosario, David Jandayan, Master Charles Janda, Carmen Rose Matabuena, Mervien Jules Mirandilla at Charles Ticbaen.
- Latest