FEU, La Salle unahan sa Win No. 2
MANILA, Philippines — Muling kakapitan ng Far Eastern Univeristy sa opensa sina Mo Konateh at Kirby Mongcopa upang suwagin ang pangalawang sunod na panalo sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na lalaruin sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Pero tiyak na daraan sa butas ng karayom ang FEU bago makuha ang panalo dahil katapat nila ang defending champion De La Salle University.
Tangan ang tig-1-1 karta, magsisimula ang bakbakan sa pagitan ng FEU at La Salle sa alas-5 ng hapon, pagkatapos ng banatan ng University of Sto. Tomas at University of the East sa alas-3 ng hapon.
Impresibo ang huling laro ng FEU, tinalo nila ang UE ng 23 puntos, 93-70 noong Sabado kung saan ay sina Konateh at Mongcopa ang kanilang naging pangunahing armas sa opensa.
Tumikada si Konateh ng 15 points habang bumakas si Mongcopa ng double-double na 13 puntos at 13 rebounds.
Masaklap ang pagkatalo ng FEU sa Adamson, 53-56 dahil may tsansa silang manalo noon, lumamang pa sila sa bandang dulo pero hindi nila ito naituloy dahil mas naging determinado ang Soaring Falcons.
Maliban kina Konateh at Mongcopa, huhugot din ng puwersa si former PBA Best Import Sean Chambers kina Jorrick Bautista, Janrey Pasaol at Jedric Daa.
- Latest





















