Illegal recruiter ng 2 Pinay, kulong ng 31 taon
MANILA, Philippines — Hinatulan ng Pasay City court ang isang lalaking recruiter na makulong ng 31 taon matapos na mapatunayan sa kasong attempted trafficking at illegal recruitment sa pag-escort sa dalawang Pinay na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong Cambodia, noong nakalipas na taon.
Sa desisyon nitong Nobyembre 19, 2026, idineklarang “guilty beyond reasonable doubt” ng Pasay Regional Trial Court (RTC), Branch 111, si Zandel Florendo Buenosa nasabing mga kaso kaugnay sa recruitment scheme.
Nag-ugat ang kaso sa insidente noong Abril 20, 2025, nang harangin ng Bureau of Immigration (BI)-Immigration Protection and Border Enforcement Section/Unit (IPROBES) ang dalawang babae na papasakay sa flight patungong Hong Kong at lilipat umano sa Cambodia para magtrabaho.
Umamin ang mga biktima na sila ay ni-recruit sa pamamagitan ng Facebook ng isang gumagamit ng pangalang “Hannah,” na nag-alok sa kanila ng trabaho bilang customer service representatives sa Cambodia, na may pangakong buwanang sahod na US700, karagdagang US300 allowance, at libreng board and lodging.
Pinagpanggap sila na mga turista at tinuruan ng pagsisinungaling para makalusot, at ineskortan sila ng akusado na humawak sa kanilang travel arrangements kung saan sila nabuking at inaresto.
Binigyang-diin ng korte na ang trafficking offense ay nanatili sa attempted stage dahil namagitan ang immigration authorities bago makalabas ng bansa ang mga complainants, at hindi dahil sa voluntary desistance ng akusado.
Bukod kay Bueno, isang Jane Doe ang kasamang kinasuhan ng Attempted Trafficking in Persons.
Ang akusado ay sinentensyahan ng 15 taon na pagkakakulong at multa na P500,000 para sa Attempted Trafficking in Persons, at 12 taon at isang araw hanggang 16 taon na pagkakakulong at multa na P1,000,000.00 para sa illegal recruitment.
- Latest















