3 welder nabagsakan ng water tank, todas!

MANILA, Philippines — Nasawi ang tatlong lalaki matapos silang mabagsakan ng isang water tank habang nagsasagawa ng welding work sa isang water facility sa Abulug, Cagayan.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Abulug, bigla na lamang bumagsak ang tangke habang nagtatrabaho ang mga biktima.
Gumamit pa ng excavator ang mga rescuer upang maiangat ang mabigat na istruktura, subalit wala nang buhay nang mailabas ang tatlong welder.
Samantala, nilinaw ng Abulug Water District na walang kaugnayan sa kanila ang water tank at pasilidad na pinangyarihan ng aksidente. Anila, pagmamay-ari at pinamamahalaan ito ng Rural Waterworks and Sanitation Association o RWSA, isang hiwalay na organisasyon.
“Ang Abulug Water District (AWD) ay isang hiwalay na ahensya at walang anumang koneksyon, pamamahala, o operasyon sa nasabing pasilidad o sa mga aktibidad,” ayon sa pahayag ng AWD.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbagsak ng tangke ng tubig, habang nagpahayag ng pakikiramay ang Abulug Water District sa mga naulilang pamilya at hiniling sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
- Latest















