^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ang pagsusuri sa 2027 national budget

Pilipino Star Ngayon

Habang sinusuri ng Senado ang panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027, may mga pagbabago sa House version na dapat malinaw na maipaliwanag bago ito maging batas. Hindi ito dapat makalampas sa pagsusuri.

Ayon kay Senate finance committee chair JV Ejercito, tinatayang P206 bilyon ang na-re­align mula sa orihinal na spending plan ng exe­cutive.

Kabilang dito ang P130-bilyong bawas sa fo­reign-assisted infrastructure projects, pati mga bawas sa Calamity Fund, hospital im­prove­ment, immunization at health-promotion programs.

Samantala, nadagdagan naman ng P23.9 bilyon ang pondo para sa MAIFIP o medical assistance program.

Hindi naman awtomatikong masama ang budget realignment. May mga pagkakataong kailangang ilipat ang pondo dahil nagbabago ang pangangailangan ng gobyerno.

Pero kapag bilyun-bilyong piso ang inili­lipat, dapat malinaw kung bakit may programang dinagdagan at kung bakit may programang binawasan.

Sa edukasyon, halimbawa, bumaba ang pro­posed DepEd budget mula P1.01 trilyon noong 2026 tungong P973.40 bilyon para sa 2027.

Ayon sa E-Net Philippines, kabilang sa mga nabawasan ang Special Needs Education, Indi­genous Peoples Education, Alternative Learning System at School-Based Feeding Program.

Sa DPWH naman, 7,107 proyekto na nagka­kahalaga ng P251.81 bilyon ang na-flag ni Sen. Win Gatchalian dahil sa mga isyung gaya ng missing coordinates, posibleng duplicate at overlapping projects, at kulang na project details.

Sinabi naman ng DPWH na rerepasuhin ang mga ito.

Iyan mismo ang dahilan kung bakit maha­laga ang masusing budget scrutiny ngayon pa lang.

Hindi dapat hintaying may maunsiyaming pro­yekto, kulang na serbisyo o panibagong corruption scandal bago itanong kung saan napunta ang pera.

Mas madaling pigilan ang kuwestiyonableng pondo habang nasa budget pa lang kaysa habulin ito kapag nagastos na.

Kinakailangan ang maingat na pagsusuri sa budget upang hindi magkaroon ng mga aberya na kadalasang nangyayari kapag na­ipasa na ito. Kung kailan napagdebatehan na at umubos na nang maraming oras ay saka lamang makikita ang mga “butas”. Hindi na dapat ma­ulit ang mga nangyari sa nakaraang pagpa­pasa ng budget na batbat ng mga katanungan. Suriin o repasuhin sanang mabuti at huwag palampasin ang mga nakikitang “pagbabago”.

SENADO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with