Nobyang nalulunod sinagip, 17-anyos patay!

DARAGA, Albay, Philippines — Trahedya ang sinapit ng isang 17-anyos na binatilyo matapos na siya ang masawi nang iligtas nito sa pagkalunod ang kanyang kasintahan sa malalim na bahagi ng Yawa River ng Purok-1, Brgy. Malobago, Daraga, Albay kamakalawa ng hapon.
Patay na nang matagpuan at maiahon ng mga rescuers sa ilalim ng ilog ang biktima na kinilalang si alyas “Andy”, residente ng Brgy. Anislag.
Halos hindi naman matanggap ng kanyang kasintahan si alyas “Cyril” ang sinapit ng kanyang nobyo dahil sa pagbuwis nito ng kanyang buhay para lamang mailigtas siya sa tiyak na kapahamakan.
Sa ulat, dakong alas-2 ng hapon, kasama ang isa pang 13-anyos na kamag-anak ay nagtungo sa ilog ang magkasintahan upang maligo.
Gayunman, lingid sa mga biktima na kapwa hindi marunong lumangoy ang napuntahan nila ay ang malalim na bahagi na lalong lumalim na dahil sa quarry operations sa lugar.
Ilang sandali ay nakita ng binatilyo na nalulunod na si Cyril kaya hindi siya nag-aksaya ng panahon at agad tumalon sa tubig. Sinubukan nitong tulungan ang dalagitang nobya na mapunta sa gilid ng ilog pero sa kamalasan ay siya naman ang lumubog at hindi na nakaahon.
Mabilis na humingi ng saklolo ang dalagita at ilang residente ang nagtulong-tulong upang sisirin at hanapin sa ilalim ng ilog ang biktima.
Umabot umano ng halos 30-minuto bago natagpuan ang katawan ng nobyo. Dumating din ang mga kasapi ng MDRRMO-Daraga sa lugar at nilapatan ng CPR ang biktima pero hindi na naisalba pa.
- Latest





















