Bayani sa likod ng tungkulin
Panawagan ngayon ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga Pilipino na gamitin ang kanilang angking galing at talento hindi lang para sa pansariling tagumpay, kundi para na rin sa pagpapaunlad ng pamayanan at pagbuo ng mas matatag na bansa.
Sa kanyang talumpati sa ginanap na pagpaparangal sa mga natatanging Pilipino ngayong taon mula sa Metrobank Foundation, binigyang-diin ni Speaker Dy na ipinakita ng mga pinarangalan ang tunay na kahulugan ng paglabas sa karaniwang sukatan ng husay sa pamamagitan ng kanilang tapat na serbisyo.
Ayon sa Speaker, ang pagiging mahusay ay ang pagiging magaling sa ginagawa, ngunit ang totoong paglampas dito ay kapag ang kabutihang ginagawa ay nakatutulong na sa iba at humihigit pa sa tungkulin para maglingkod sa bayan.
Binibigyang-kilala ng Metrobank Foundation ang mga guro, sundalo, at pulis na nagpapakita ng natatanging dedikasyon sa kanilang propesyon at nag-aalay ng serbisyong lampas sa inaasahan.
Inihayag ni Speaker Dy na ipinakita ng mga pinarangalan kung paano maiaalay ang personal na kahusayan para sa makabuluhang paglilingkod. Ipinahiwatig niyang ang husay ay pwedeng maging anyo ng serbisyo, ang talento ay magiging malasakit, at ang tagumpay ng isa ay pwedeng maging tulay para sa pag-angat ng nakararami.
Binigyang-diin din niya na ang pag-unlad ng bansa ay hindi lamang nakasalalay sa malalaking programa o pampolitikang desisyon ng gobyerno, kundi sa milyun-milyong Pilipinong gumagamit ng kanilang kakayahan para sa kabutihan ng lahat.
Sinabi pa ng lider ng Kamara na ang kabayanihan ay nakikita araw-araw sa mga gurong hindi sumusuko sa estudyante, sa mga pulis na nagtatanggol sa komunidad, sa mga sundalong malayo sa pamilya, at sa mga karaniwang mamamayang kumikilos kahit walang nakakakita o pumalakpak.
Dahil dito, naghain din si Speaker Dy ng resolusyon sa Kamara upang pormal na parangalan at pasalamatan ang mga awardees ngayong taon para sa kanilang dedikasyon at ambag sa bansa.
Hinimok niya ang lahat na patuloy na maging inspirasyon upang ang bawat Pilipino ay magsumikap na maging mahusay na may kasamang malasakit.
Aniya, ang Pilipinas na pangarap ng lahat ay mabubuo lamang kung ang bawat isa ay pipiliing gumawa ng bahagi para sa kapakanan ng iba upang maghatid ng pag-asa, pagbabago, at oportunidad sa mas maraming kababayan.
- Latest



















